http://www.skulko.blogspot.com

Pages

Showing posts with label Mga Pangulo ng Pilipinas. Show all posts
Showing posts with label Mga Pangulo ng Pilipinas. Show all posts

Mga Pangulo ng Pilipinas




Ang Pilipinas ay nagkaroon na ng labing-apat na pangulo. Sa kabila ng pagkakaiba sa saligang-batas at ng pamahalaan, itinuturing na walang hinto ang pagkasunod-sunod ng mga pangulo. Halimbawa, ang kasalukuyang pangulo, si Gloria Macapagal-Arroyo, ay itinuturing na panglabing-apat na pangulo.

Habang kinikilala ng Pilipinas si Aguinaldo bilang unang pangulo, hindi siya kinilala ng ibang bansa dahil bumagsak ang Unang Republika sa ilalim ng Estados Unidos pagkatapos ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Si Manuel L. Quezon ang kinilala bilang unang pangulo (at ang una na nanalo sa halalan — hinirang lamang si Aguinaldo) ng Estados Unidos at pandaigdig na kapisanang pangdiplomasya at pampulitika.

Nagkaroon ng dalawang pangulo ang Pilipinas sa isang punto sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na kumakatawan sa dalawang pamahalaan. Isa ay kay Quezon na kumakatawan sa pamahalaang komonwelt at ang isa ay kay Jose Laurel na kumakatawan sa pamahalaang itinaguyod ng mga Hapones.



Unang Republika

* Emilio Aguinaldo (1899-1901)

Komonwelt ng Pilipinas

* Manuel L. Quezon (1935-1941; 1941-1944 (namatay) )

* Sergio Osmeña (1944-1946 (nanungkulan sa pagkamatay ni Quezon) )

* Manuel Roxas (1946-1948 (naging pangulo ng Ikatlong Republika) )

Ikalawang Republika

* Jose P. Laurel (1943-1945)

Ikatlong Republika

* Manuel Roxas (1946-1948 (namatay) )

* Elpidio Quirino (1948-1949 (nanungkulan sa pagkamatay ni Roxas); 1949-1953)

* Ramon Magsaysay (1953-1957 (namatay) )

* Carlos P. Garcia (1957 (nanungkulan sa pagkamatay ni Magsaysay); 1957-1961)

* Diosdado Macapagal (1961-1965)

* Ferdinand E. Marcos (1965-1969; 1969-1972 (iprinoklama ang batas militar) )

Panahon ng Batas Militar / Bagong Republika

* Ferdinand E. Marcos (1972-1981 (namahala bilang isang diktator sa ilalim ng batas ng pangulo))

Ikaapat na Republika

* Corazon C. Aquino (1986)

Ikalimang Republika

* Corazon C. Aquino (1986-1992)

* Fidel V. Ramos (1992-1998)

* Joseph Ejercito Estrada (1998-2001 (pinalitan sa pwesto) )

* Gloria Macapagal-Arroyo (2001 - 2010)



Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Mga_Pangulo_ng_Pilipinas

Gloria Macapagal-Arroyo





Si Maria Gloria Macapagal-Arroyo (ipinanganak bilang Maria Gloria Macaraeg Macapagal noong Abril 5, 1947) ay ang ikalabing-apat at kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas. Siya ang ikalawang babaeng pangulo ng bansa, at anak ng dating pangulong si Diosdado Macapagal.

Isang propesor ng ekonomiks, si Arroyo ay pumasok sa pamahalaan noong 1987, na naglingkod bilang pangalawang kalihim at undersecretary ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya sa pag-talaga sa kanya ni Pangulong Corazon Aquino. Pagkatapos maglingkod bilang senador mula 1992 hanggang 1998, siya ay nahalal na Pangalawang Pangulo sa ilalim ni Pangulong Joseph Estrada. kahit na ito ay tumakbo sa kalabang partido. Pagkatapos maakusahan si Estrada ng korupsyon, nagbitiw siya sa posisyon niya bilang gabinete bilang kalihim ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunladat sumali sa lumalaking bilang ng mga oposisyon sa Pangulo, na humarap sa paglilitis. Si Estrada ay napaalis sa pwesto dahil sa mapayapang demonstrasyon sa EDSA, at kagyat nanumpa si Gloria Arroyo bilang pangulo noong Enero 20, 2001. Nahalal siyang muli ng anim na taon pa at nanumpa sa tungkulin noong Hunyo 30, 2004.

Si Pangulong Arroyo ay isinilang na Maria Gloria Macaraeg Macapagal ng pulitikong Diosdado Macapagal, at ng kanyang asawa, Evangelina Macaraeg Macapagal. Siya ay kapatid ni Dr. Diosdado "Boboy" Macapagal, Jr. at Cielo Macapagal-Salgado. Nanirahan siya sa Lubao, Pampanga noong unang mga taon niya kasama ang kanyang dalawang nakatatandang kapatid mula sa unang asawa ng kanyang ama. Sa edad na apat, pinili niyang manirahan sa lola niya sa ina, sa Lungsod ng Iligan. Nanatili siya doon ng tatlong taon, at hinati niya ang kanyang oras sa Mindanao at Maynila hanggang sa siya'y maglabing-isang taon. Mahusay siya sa Wikang Ingles, Wikang Tagalog, Kastila at iba pang wika sa Pilipinas.

Noong 1961, nang si Gloria ay 14 pa lamang, ay nahalal bilang pangulo ang kanyang ama. Siya at ang kanyang pamilya ay lumipat sa Palasyo ng Malakanyang sa Maynila. Isang bayan ang ipinangalan sa kanya, ang Gloria, Oriental Mindoro. Nag-aral siya ng elementarya at sekundarya sa Assumption Convent, kung saan ay nakapagtapos siya bilang Valedictorian noong 1964.

Noong 1961, nang si Gloria ay 14 na taon gulang pa lamang, ang kanyang ama ay nahalal na pangulo ng Pilipinas. Lumipat siya kasama ang kanyang pamilya sa Malakanyang sa Maynila. Nag-aral siya ng elementarya at sekundarya sa Assumption College at nakapagtapos na valedictorian noong 1964. Pagkatapos ay nag-aral si Gloria ng dalawang taon sa Walsh School of Foreign Service ng Georgetown University sa Washington, D.C. na kung saan ay naging kamag-aral niya noon ang magiging pangulo ng Estados Unidos na si Bill Clinton at napanatili ang pangalan nito sa talaan ng Dekano. Nakuha niya ang kanyang Batsilyer sa Arte sa Ekonomiks mula sa Assumption College, na kapagtapos na magna cum laude noong 1968.

Noong 1968, napangasawa ni Gloria ang isang abugado at negosyanteng si Jose Miguel Arroyo na tubong Binalbagan, Negros Occidental, na nakilala niya nang siya ay nasa kanyang kabataan pa lamang. [1] Sila ay may tatlong anak, sina Juan Miguel (1969), Evangelina Lourdes (1971), at si Diosdado Ignacio Jose Maria (1974). Ipinagpatuloy ni Gloria ang kanyang pag-aaral at nakuha ang Master na degree sa Ekonomiks mula Ateneo de Manila noong 1978 at ang Doctoratena degree sa Ekonomiks mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1985. Mula 1977 hanggang 1987, humawak siya ng mga posisyon sa pagtuturo sa iba't ibang mga paaralan, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila.

Noong 1987, siya ay inanyayahan ni Pangulong Corazon Aquino na lahukan ang pamahalaan bilang Pangalawang Kalihim ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya. Siya ay napromote bilang undersecretary pagkatapos ng dalawng taon.

Kinunsidera ni Arroyo na tumakbo bilang pangulo noong pambansang halalang 1998 subalit naimpluwensyahan ni Pangulong Fidel V. Ramos, at pinuno ng ng partido ng administrasyon Lakas-Christian Muslim Democrats na imbes na pangulo ay maging pangalawang pangulo na lamang at ng kandidatong si Ispiker Jose de Venecia, Jr. Nanalo si Arroyo bilang pangawalang pangulo na may malayong agwat, na nakakuha ng higit doble sa sumunod nitong katunggali, ang kandidatong pangawalang pangulo ni Estrada, si Edgardo Angara.

Nagsimula ang termino ni Arroyo bilang Pangalawang Pangulo noong Hunyo 30, 1998, Siya ay tinalaga ni Estrada na maging Kalihim ng Kagawaran ng Pangangalagang Panlipunan at Pagpapaunlad.

Nagbitiw si Arroyo sa gabinete noong Oktubre 2000, upang ilayo ang kanyang sarili mula kay Estrada, na inakusahan ng korupsyon ng kanyang dating tagasuporta sa pulitika na si Chavit Singson, Punong lalawigan ng Ilocos Sur. Noong una ay hindi pa nagsasalita si Arroyo laban kay Estrada, subalit dahil sa mga kaalyado nito, ay sumali na rin ito sa panawagang magbitiw si Estrada sa pwesto.

Noong Enero 20, 2001, pagkatapos ng ilang araw ng kaguluhang pulitikal at malawakang pag-aaklas, inihayag ng Kataastaasang Hukuman na bakante ang posisyon ng pagkapangulo. Ang sandatahan at ang pambansang pulisya ay una nang inalis ang suporta para kay Estrada. Noong kinahapunan din nang araw na iyon, ay nanumpa si Arroyo bilang Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ni Punong Hukom Hilario Davide, Jr.

Matapos ang ilang linggo, nagsampa ng kaso si Estrada na naghahamon ng batayang legal ng pagkapangulo ni Arroyo at pinipilit na siya ang nananatiling pangulo ayon sa batas, ngunit dinagdag niya na hindi niya kukunin muli ang kanyang posisyon. Noong Marso 2, 2001, ang Kataastaasang Hukuman ng Pilipinas ay nagpalabas ng desisyon na nagsasabing si Estrada ay nagbitiw sa pagkapangulo at iniwan niya ang kanyang pwesto.



Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Gloria_Macapagal_Arroyo

Jose P. Laurel

(Marso 9, 1891 - Nobyembre 6, 1959)


Si José Paciano Laurel y García ay pangulo ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapon mula 1943 hanggang 1945.

Isinilang si Laurel sa Tanauan, Batangas noong Marso 9, 1891 anak nina Sotero Laurel at Jacoba Garcia. Nagtapos siya ng abogasya sa U.P. noong 1915.

Hinirang na Kalihim Panloob ni Gob. Hen. Wood noong 1923 at naging Associate Justice noong 1935. Nanungkulan siya bilang Pangulo ng Kataas-taasang Hukuman nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at itinalaga siyang Kalihim ng Katarungan ni Quezon bago lumisan. Pinili si Laurel ng mga Hapon upang magsilbing pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas. Pinangalagaan niya ang kapakanan ng bansa sa gitna ng mga kalupitan ng mga Hapon. Ibinilanggo siya bilang "collaborator" pagkaraan ng digmaan ngunit pinalaya ni Pangulong Roxas noong 1948. Noong Nobyembre 6, 1959, namatay si Laurel sa grabeng atake sa puso at istrok.

Manuel Roxas

(Enero 1, 1892 - Abril 15, 1948)


Si Manuel Acuña Roxas ay isang pulitiko sa Pilipinas. Siya ay nagsilbi bilang Pangulo ng Pilipinas mula Mayo 1946 hanggang sa kanyang kamatayan noong Abril 1948.

Isinilang si Roxas noong Enero 1, 1892 sa lungsod na ipinangalan sa kanya nang siya ay mamatay, ang Lungsod ng Roxas sa lalawigan ng Capiz. Sina Gerardo Roxas at Rosario Acuna ang kanyang mga magulang. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines)noong 1912 at naging topnatcher sa Bar. Nag-umpisa siya sa pulitika bilang piskal panlalawigan. Nagsilbi sa iba-ibang kapasidad sa ilalim ng Pamahalaang Komonwelt ni Manuel L. Quezon. Noong 1921, naihalal siya sa House of Representatives at sa sumunod na taon ay naging speaker. Pagkatapos maitatag ang Komonwelt ng Pilipinas (1935), naging kasapi si Roxas sa National Assembly, nagsilbi (1938-1941) bilang Kalihim ng Pananalapi sa gabinete ni Pangulong Manuel Quezon, at naihalal (1941) sa Senado ng Pilipinas. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binihag siya (1942) ng pwersa ng mananakop na Hapon. Ngunit sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanilbihan siya sa ilalim ng Republika ng Pilipinas na itinaguyod ng mga Hapon. Sa panahon din ito, siya ang nagsilbing intelligence agent para sa mga gerilya. Hinuli ng mga bumalik na pwersang Amerikano si Roxas sa paghihinalang pakikipagtulungan sa mga Hapon. Pagkatapos ng digmaan, pinawalang-sala siya ni Heneral Douglas MacArthur kasama kay pangulong Sergio Osmena kasama ng mga Pilipinong heneral na galing sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sina heneral Basilio J. Valdes at si heneral Carlos P. Romulo at ibinalik ang kanyang nombramyento bilang opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Estados Unidos. Ito ang nagbigay-buhay sa kanyang buhay politika, at sa suporta ni MacArthur, nanalo siya sa halalan sa pagkapangulo noong Abril 23, 1946 laban kay Sergio Osmeña. Bilang pangulo, pinawalang-sala niya ang mga nakipagtulungan sa mga Hapon. Noong Abril 15, 1948, inatake bigla si Roxas sa puso at siya ay namatay, habang nagbibigay ng kanyang talumpati sa dating base militar ng Estados Unidos sa Clark Air Base. Siya ay sinundan ni Elpidio Quirino.

Sergio Osmeña

(Setyembre 9, 1878 – Oktubre 19, 1961)


Si Sergio Osmeña y Suico, higit na kilala ngayon bilang Sergio Osmeña, Sr. ang ikalawang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas (Agosto 1, 1944 – Mayo 28, 1946). Siya ang ama ni dating Senador Sergio Osmeña Jr. at lolo nina Senador Sergio Osmeña III, John Osmena, dating Gobernador Lito Osmena ng Cebu at Mayor Tomas Osmena.

Isinilang siya noong Setyembre 9, 1878 sa Lungsod ng Cebu. Si Osmeña ay nanguna sa mga nagtapos ng primarya sa kanyang paaralan. Nag-aral ng sekundarya sa Seminario ng San Carlos sa Cebu. Nagtungo siya sa Maynila at nag-aral sa San Juan de Letran, kung saan nakilala niya si Manuel L. Quezon.

Nang sumiklab ang rebolusyong Pilipino noong 1896, bumalik sa Cebu si Osmeña. Ipinadala siya ng lokal na liderato ng Cebu para ibalita kay Emilio Aguinaldo ang sitwasyon sa Cebu. Noong 1900, naging tagapag-lathala at patnugot siya ng pahayagang El Nuevo Dia.

Nagbalik siya sa Maynila para mag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Sto. Tomas, kung saan ay muli silang nagkita ni Quezon. Noong 1903, siya at ang kanyang mga kamag-aral ay pinahintulutan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na kumuha ng eksamen sa bar kahit tatlong taon pa lamang ang kanilang natapos. Si Osmeña ay pumangalawa sa naturang eksamen sa bar.

Dalawampu’t limang taong gulang siya nang maatasang pansamantalang gobernador at pagkapiskal ng lalawigan ng Cebu. Pagkaraan ng dalawang taon, naging gobernador siya ng lalawigan.

Nagbitiw siya sa kanyang katungkulan bilang gobernador nang maitatag ang Asemblea Filipina noong 1907. Tumakbo siya at nanalong kinatawan ng ikalawang distrito ng Cebu. Nahalal siyang ispiker ng asemblea, isang posisyong hinawakan niya ng sumunod na 15 taon. Naging senador siya mula 1923 hanggang 1935. Tinanghal siyang "Senate President Protempore" noong 1923-1933. Naging kasapi rin siya ng Misyong OsRox (Osmeña-Roxas), isa sa mga misyong ipinadala sa Estados Unidos para ikampanya ang kasarinlan ng Pilipinas. Nahalal siyang pangalawang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas noong 1935.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama niya si Pangulong Manuel L. Quezon sa Estados Unidos. Namatay si Quezon sa sakit na tuberkulosis noong Agosto 1, 1944 at si Osmeña ang humalili sa kanya. sina dating pangulong Osmena at ang kasama ng mga pandigmang kabinete na huling ipagpatuloy ng ating pagapapalaya ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Estados Unidos at ang puwersang Kakampi kasabay ng mga gerilyang Pilipino at Hukbalahap na mula sa Kampanya ng Pagpapalaya sa Pilipinas na ituloy ng pakikipaglaban sa Hapon, Kasama siya ng mga Pilipinong Heneral ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si Basilio J. Valdes at si heneral Carlos P. Romulo pati ang mga puwersang Amerikanong lumunsad sa Leyte noong Oktubre 20, 1944. Sinabi ni pangulong Osmena at ang iba pang opisyal at mga kabinete nagsimula ng Kampanya ng Pagpapalaya sa Pilipinas noong 1944 hanggang 1945 sa pagitan ng mga sundalong Pilipino, Amerikano at ang mga pwersang gerilya na silang kalabanin ng mga Hapones. Nagsilbi siya bilang pangulo ng bansa hanggang sa magkaroon ng halalan noong Abril 23, 1946. Paghahanda ito sa pagbibigay ng kalayaan ng Estados Unidos. Kumandidato siya bilang pangulo, ngunit natalo kay Manuel Roxas.

Nang matalo kay Roxas, namahinga si Osmena sa kanyang tahanan sa Cebu. Si Sergio Osmena ay namatay noong Oktubre 19, 1961.

Manuel L. Quezon

(Agosto 19, 1878 – Agosto 1, 1944)


Si Manuel Luis Quezon y Molina ang unang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas. Siya ang kinilala bilang ikalawang pangulo ng Pilipinas, kasunod ni Emilio Aguinaldo (na ang administrasyon ay hindi kinilala ng ibang bansa sa mga panahong iyon at hindi kinilala bilang unang pangulo sa mga kapisanang internasyunal).

Ipinanganak si Manuel L. Quezon sa Baler, sa lalawigan ng Tayabas (tinatawag na ngayong Aurora) noong Agosto 19, 1878. Anak siya nina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, kapwa mga guro. Nagtapos siya ng pag-aaral mula sa Colegio de San Juan de Letran noong 1893.

Bilang isang binata, nakilahok siya sa pag-aalsa laban sa mga Kastila. Nakipaglaban din siyang kasama ng mga Pilipinong Nasyonalista sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, bilang katulong ni Emilio Aguinaldo. Naipakulong siya dahil sa gawaing ito. Makaraang palayain, nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos.

Naging manananggol si Quezon sa Baler. Noong 1906, nahalal siya bilang gobernador ng lalawigan ng Tayabas, ngunit nagbitiw upang makapangampanya para sa Asambleya ng Pilipinas, kung saan nakamit niya ang pagiging pinuno ng Asambleya. Mula 1909 hanggang 1916, nagsilbi si Quezon sa Estados Unidos bilang naninirahang komisyonero para sa Pilipinas. Sa panahong ito naipasa ang Batas Jones (Jones Act), nagtatanggal sa Komisyon sa Pilipinas ng Estados Unidos at nagbibigay ng mas mataas na antas ng pamamahala sa mga Pilipino. Dahil dito, itinuring na bayani si Quezon nang muli siyang magbalik sa Pilipinas.

Sa sumunod na dalawang taon, naglingkod siya bilang pangulo ng Senado ng Pilipinas. Noong 1935, nanalo si Manuel L. Quezon sa unang halalan ng pagkapangulo ng Pilipinas sa ilalim ng bagong Komonwelt ng Pilipinas, laban kina Emilio Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay. Muli siyang nahalal noong 1941.

Pagkaraan ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumakas siya papuntang Australya, at pagkaraan nagtuloy sa Estados Unidos. Sa dalawang bansang ito niya pinamunuan ang pamahalaan ng Pilipinas habang malayo sa bansa.

Nagkasakit ng tuberkulosis si Quezon at namatay sa Saranac Lake, Franklin County, New York noong Agosto 1, 1944 sa gulang na 66.Unang inilibing ang kanyang labi sa Arlington National Cemetery. Pagkaraan, ang kanyang labi ay inilibing muli sa Maynila, sa Manila North Cemetery at inilipat sa Lungsod Quezon sa loob ng monumento sa Quezon Memorial Circle.

Ipinangalan sa kaniya ang Lungsod ng Quezon sa Kalakhang Maynila at ang lalawigan ng Quezon.


Emilio Aguinaldo

(Marso 22, 1869–Pebrero 6, 1964)

Si Emilio Aguinaldo y Famy ay isang Pilipinong heneral, pulitiko at pinuno ng kalayaan. Isa siyang bayaning nakibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas. Pinamunuan niya ang isang bigong pag-aalsa laban sa Espanya noong 1896. Makaraang magapi ng Estados Unidos ang Espanya noong 1898, ipinahayag niya ang kalayaan ng Pilipinas at umupo bilang unang pangulo ng Pilipinas noong Hunyo 1899. Malakas ang kaniyang loob subalit nilarawang baguhan sapagkat naniwalang tatangkilin ng Estados Unidos ang kaniyang hangarin. Nang maging ganap at lantad ang mga hangarin ng Estados Unidos hinggil sa Pilipinas, muli niyang pinamunuan ang isang pag-aaklas mula 1899 hanggang 1901. Nadakip siya sa bandang huli ng mga Amerikano noong Marso 1901, makaraang makipaglaban sa loob ng dalawang taon. Nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos subalit nagsuot ng isang itim na bow tie hanggang sa tuluyang nakamit ng Pilipinas ang kalayaan noong 1946. Tumakbo siya bilang pangulo noong 1935 ngunit nagapi sa halalan ni Manuel Quezon. Sa mga huling panahon ng kaniyang buhay, nagsilbi siya sa Konseho ng Estado ng Pilipinas.

Ipinanganak si Emilio Aguinaldo noong Marso 22, 1869 sa bayan ng Kawit, Cavite sa Luzon sa panahong kolonya ng Espanya ang Pilipinas,siya ang ikapitong anak ng alkalde ng bayan. Sa edad na 15, sa tulong ng isang paring Dominican, nagpatala siya sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila, kung saan siya nag-aral ng medisina.

Nagbalik si Aguinaldo sa Luzon at tumulong pangunahan ang isang pag-aalsa na sa kaunting panahon ay nagtaboy sa mga Espanyol sa rehiyon. Bilang bahagi ng napakasunduan, ipinatapon si Aguinaldo sa Hong Kong noong 1888. Doon pinag-aralan niya ng taktikang pangmilitar ng mga Britanya at nagtipon ng mga armas, at palihim na bumalik sa Luzon ilang taon ang lumipas.

Noong 1895 sumapi si Aguinaldo sa Katipunan, isang lihim na samahan na pinamumunuan noon ni Andres Bonifacio, na may layuning patalsikin ang mga Espanyol at palayain ang Pilipinas. Kasama ni Dr. Jose Rizal, inumpisahan niya ang digmaan laban sa mga Espanyol noong 1896, at ginampanan niya ang pamumuno sa kilusan pagkatapos mahuli at ipapatay si Rizal. Nakipaglaban ang mga Espanyol laban sa mga rebelde sa pamamagitan ng pwersang militar at panunuhol sa mga pinuno ng mga rebelde. Tinanggap ni Aguinaldo ang alok na pera at ginamit ito sa pagbili ng dagdag na armas para sa rebelde sa halip na bumalik sa pagkakatapon.

Noong 1898, nagsimula ng Digmaang Espanyol-Amerikano at napikapag-ugnayan si Aguinaldo sa mga Amerikanong opisyal sa pag-asang tutulong sila sa kanyang pakikipaglaban para sa kalayaan. Sa una nakatanggap lamang siya ng magkakahalong mensahe, ngunit nakipaglaban kaisa ng mga Amerikano upang patalsikin ang mga Espanyol – kasama ng paglilipat ng maghigit na 15,000 nahuling tropang Espanyol ay si Admiral George Dewey. Gayon pa man, ang pakikipag-ugnayan sa mga Amerikano ay higit na apektado nang hindi sila nagpakita ng kagustuhang tulungan ang Pilipinas na maging malaya at nagsimulang sakupin ang bansa gaya ng ginawa ng mga Espanyol noon. Walang tulong ninuman, ipinahayag ni Aguinaldo ang kalayan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 at inihalal siya ng Kapuluan ng Saligang-batas ng Pilipinas bilang pangulo noong Enero 1, 1899. Nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga tropang Amerikano at mga Pilipinong makakalayan, ipinahayag ni Aguinaldo ang digmaan laban sa Estados Unidos noong Pebrero 4, 1899.

Pinamunuan ni Aguinaldo ang pagtutol sa pananakop ng mga Amerikano hanggang siya ay mahuli noong 1901 ni US General Frederick Funston. Tinanggap niya ang alok na ililigtas ang kanyang buhay kung ipapangako niya ang kanyang katapatan sa Estados Unidos. Isang malungkot na desisyon ang ginawa ni Aguinaldo dahil matapos siyang ipagtanggol ng kanyang mga magigiting na heneral,tulad ni Gen.Gregorio del Pilar,sumuko lamang siya nang hindi lumalaban. Namahinga siya sa mata ng publiko nang matagal na panahon, hanggang 1935 nang ipahayag siya na kakandidato siya bilang pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas; tinalo siya ni Manuel L. Quezon sa halalan.

Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, gumawa si Aguinaldo nakakahiyang pahayag sa radyo ng kanyang pagsuporta sa mga Hapon. Pagkatapos makuhang muli ng mga Amerikano ang Pilipinas, dinakip siya sa pakikipagtulungan sa kaaway, ngunit sa paglilitis nalaman na pinuwersa lamang siya upang gawin ang kanyang mga pahayag (binantaan siya ng mga Hapon na papatayin ang kanyang pamilya), at nalinis din ang kanyang pangalan. Namuhay siyang nakita ang kanyang panghabang-buhay na hangarin, ang kalayaan ng kanyang bansa na natamo noong 1946, at noong 1950 nagsilbi siya ng isang termino sa Council of State bago siya muling namahinga. Namatay siya sa atake sa puso sa Veterans Memorial Hospital sa Lungsod ng Quezon noong Pebrero 6, 1964 sa edad na 94.

Joseph Estrada





Si Jose Marcelo Ejercito (ipinanganak Abril 19, 1937), na mas kilala bilang Joseph Ejercito Estrada, o Erap, ang ikasiyam na pangulo ng Republika ng Pilipinas o ika-13 simula noong Unang Republika.

Ipinanganak siya sa Tondo, Maynila. Anak siya nina Emilio Ejercito, Sr., na isang inhinyero, at ni Maria Marcelo.

Huminto sa pag-aaral si Estrada sa kolehiyo upang pumasok sa larangan ng pelikulang Pilipino sa edad na 21. Nakagawa siya ng mga humigit kumulang na 120 pelikula, karamihan sa mga ito ay nauuri na action-comedy kung saan siya ang bida na ginaganapan ang mga papel ng mga taong mahirap o mga mababang antas ng lipunan. Napagwagian niya ang ilan sa pinakamataas na Gantimpala at Gawad sa Pag-arte at pagiging Direktor ng Pelikula.

Pinasok ni Estrada ang larangan ng pulitika noong 1967 nang mahalal siya bilang Alkalde ng San Juan, Kalakhang Maynila. Noong 1971, pinarangalan siya bilang "Outstanding Mayor and Foremost Nationalist" ng Inter-Provincial Information Service at ng sumunod na taon bilang "Most Outstanding Metro Manila Mayor" ng Philippines Princetone Poll.

Kabilang siya sa mga alkalde na sapilitang inalis nang humalili si Corazon C. Aquino bilang pangulo ng Pilipinas pagkaraang napatalsik Ferdinand E. Marcos sa pwesto noong Pebrero 25, 1986 sa pamamagitan ng People Power Revolution.

Tumakbo si Estrada sa ilalim ng partidong Grand Alliance for Democracy at matagumpay na nahalal sa Senado ng Pilipinas (Ika-walong Kongreso). Nahirang siya bilang Chairman of the committees on Cultural, Rural Development, and Public Works. Siya rin ay naging Vice Chairman of the Committees on Health, Natural Resources and Urban Planning. Kabilang sa mga panukalang batas na isinulong nya ay yaong ukol sa agrikultura, mga proyektong irigasyon sa pagsasaka at pagpapalawig at pag-protekta sa kalabaw. Noong 1989, tinanghal siya ng Philippine Free Press bilang isa sa “Three Outstanding Senators of the Year”. Isa si Estrada sa mga senador na tumangging sang-ayunan ang bagong tratado ng US Military Bases na papalit sana sa 1947 Military Bases Agreement na nakatakdang magwakas noong 1992.

Nakatulong nang malaki sa pagkakapanalo niya bilang Bise Presidente ang kaniyang popularidad bilang aktor noong halalan ng Panguluhan at Pangalawang Panguluhan noong 1992, bagama't siya ay tumatakbo sa hiwalay na tiket ng noon ay nanalong Pangulo, Fidel Ramos. Bilang Pangalawang Pangulo, pinamahalaan ni Estrada ang Komisyon Laban sa Krimen (Presidential Anti Crime Commission) mula 1992 hanggang 1997.

Noong 1998, nanalo si Estrada sa halalan sa ilalim ng partidong Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP). Nakakuha siya ng 10,956,610 boto o 39.6% ng lahat ng boto. "Erap Para sa Mahirap" ang kaniyang islogan sa pangangampanya.




Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Joseph_Ejercito_Estrada

Fidel V. Ramos




Si Fidel Valdez Ramos (ipinanganak Marso 18, 1928) ang ikawalong pangulo ng ikatlong Republika ng Pilipinas (Hunyo 30, 1992 - Hunyo 30, 1998). Isinilang siya noong Marso 18, 1928 sa Lingayen, Pangasinan. Panganay siya sa tatlong anak nina Narciso Ramos at Angela Valdez.

Nagtapos siya sa United States Military Academy sa West Point noong 1950. Kumuha rin siya ng masteral ng civil engineering sa University of Illinois, Masters in Business Administration sa Pamantasang Ateneo de Manila, at nanguna sa klase niya sa Infantry training at kursong Special Forces/Pay Operations/Airborne sa Fort Benning, Georgia.

Bumalik siya sa Pilipinas noong 1951 at naging heavy weapon platoon leader ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ipinadala rin siya sa mga digmaan ng Korea at Vietnam. Naging tanyag siya sa pamumuno sa isang pulutong ng mga sundalong tumalo sa pwersang komunista ng mga Tsino sa Labanan sa Burol ng Eerie. Kabilang sa mga medalya at parangal na natanggap niya bilang sundalo ang Philippine Legion of Honor, ang Gold Cross, ang Philippine Military Merit Medal, ang United States Legion of Merit, ang French Legion of Honor at ang U.S. Military Academy Distinguished Award.

Inatasan siyang maging pinuno ng Philippine Constabulary noong 1972, hepe ng Integral National Police noong 1975, at pangalawang pinuno ng Sandatahang Lakas noong 1981. Noong 1983, pansamantala niyang pinalitan si Fabian Ver, pinuno noon ng Sandatahang Lakas, nang ito ay masangkot sa pagkakapaslang sa lider-opososyon si Benigno S. Aquino Jr.

Noong 1986, tinangkaang agawin ni Ferdinand Marcos ang pagkapanalo ni Corazon Aquino, balo ni Benigno Aquino, sa halalang pangpanguluhan. Nakiisa si Ramos kay Juan Ponce Enrile, noong kalihim ng Tanggulang Pambansa, sa pagkubkobsa mga himpilan ng sandatahang lakas. Ang sumunod dito ay tinaguriang People Power Revolution na nagtulak kay Marcos na lumikas patungong Estados Unidos. Naluklok si Aquino sa pagkapangulo. Ginawang ni Aquino na hepe ng sandatahang lakas si Ramos. Pagkaran ng dalawang taon, si Ramos ay naging kalihim na Tanggulang Pambansa.

Noong 1992, tumakbo siya at nanalong pangulo ng bansa. Bilang pangulo, naging priyoridad niya ang pagsasaayos sa estruktura ng pamahalaan, na nagbigay ng karagdagang kapangyarihan sa pamahalaang lokal. Hinikayat niya ang dayuhang pamumuhunan, lalo na sa turismo, na naging bahagi ng kanyang programa para sa kaunlaran.

Si Fidel V. Ramos ay kasal kay Amelita Martinez at mayroon silang limang anak na babae.



Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Fidel_V._Ramos

Corazon Aquino




Si María Corazón Cojuangco-Aquino (ipinaganak bilang María Corazón Sumulong Cojuangco noong Enero 25, 1933) na lalong mas kilala sa palayaw na Cory ang ikalabingisang pangulo ng Republika ng Pilipinas at kauna-unahang naging babaeng pangulo ng Pilipinas (Pebrero 25, 1986–Hunyo 30, 1992). Ipinanganak siya sa Tarlac kina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong. Nakapag-aral siya sa Estados Unidos at nakapagtapos nang may digri sa Wikang Pranses. Siya ay kabiyak ni Benigno Aquino, Jr. ("Ninoy"), ang pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Nailuklok siya sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong Pebrero 25, 1986 at ibinalik niya ang demokrasya sa bansa. Siya ay ina ng artistang si Kris Aquino.

Noong Marso 24, 2008, napabalita na mayroong colon cancer, isang sakit sa bituka, ang dating pangulo, na kasalukuyang may edad na 75. Pero dahil sa supporta ng kanyang anak na si Kris Aquino mayroon sa kanyang nag-aasikaso at ngayon unti-unti na nawawala ang kanyang sakit. Kung hindi dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Ninoy Aquino sa ngayon mas maging masaya at matapang si Cory.



Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Corazon_%22Cory%22_Aquino

Ferdinand Marcos

(Setyembre 11, 1917 - Setyembre 28, 1989)



Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos ang ika-10 Pangulo ng Pilipinas na nanungkulan mula 1965 hanggang 1986. Siya ay isang abugado, kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1949 hanggang 1959 at kasapi ng Senado ng Pilipinas mula 1959 hanggang 1965. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay naging lider-gerilya sa hilagang Luzon. Noong 1963, siya ay naging Pangulo ng Senado kapalit ni Senador Eulogio Rodriguez, Sr.. Bilang Pangulo ng Pilipinas, kahanga-hanga ang kanyang mga nagawa sa larangan ng diplomasya at pagpapagawa ng mga mahahalagang imprastraktura sa bansa. Ngunit, ang tagumpay ng kanyang pangasiwaan ay nabahiran ng talamak na katiwalian, paniniil sa karapatang pantao, at panunupil sa oposisyon. Bumagsak ang kanyang pamunuan sa Rebolusyon sa EDSA na naganap noong 1986.

Isinilang si Marcos noong Setyembre 11, 1917 sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte. Ang kanyang mga magulang ay sina Don Mariano Marcos at Josefa Edralin, kapwa mga guro. Siya ay lumaki sa bayan ng Batac at doon nakapagtapos ng kanyang pag-aaral mula elementarya hanggang sa mataas na paaralan ng may karangalan.

Siya ay kumuha ng kursong abugasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong 1938, si Marcos ay kinasuhan at nahatulan sa salang pagpatay kay Julio Nalundasan, mahigpit na kalaban sa pulitika ng kanyang ama. Habang nasa kulungan, nag-aral at nakapasa ng may pinakamataas na marka sa eksamen sa bar noong 1938. Inapela ni Marcos ang hatol ng Hukuman ng Unang Dulugan (Court of First Instance) sa Kataas-taasang Hukuman (Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas). Hinangaan ng Kataas-taasang Hukuman ang kanyang katalinuhan at binaligtad nito ang hatol ng mababang hukuman sa Laoag. Ferdinand E. Marcos Ikaanim na Pangulo Ng Ikatlong Republika (Disyembre 30, 1965 – Pebrero 25, 1986).

Si Ferdinand E. Marcos ang itinuturing na isa sa pinakamatalinong naging pangulo ng bansa, hindi lamang sa temang akademiko kundi pati sa kanyang ginawa upang mapanitiliniya ang sarili sa posisyon sa loob ng mahigit dalawampung taon. Siya ang Ikaanim na Pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas.

Si Marcos ay isinilang noong Setyembre 11, 1917 sa Sarrat, Ilocos Norte. Ang kanyang magulang ay sina Don Mariano R. Marcos at Donya Josefa Edralin. Apat silang magkakapatid, sila, si Dr. Pacifico, Elizabeth at Fortuna. Ang kanyang ama ay nagging kongresista ng Ilocos at gobernador ng Davao. Si Donya Josefa naman ay isang dating guro sa kanilang bayan.

Sa kanyang kabataan pa lamang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan. Palagi siyang mayroong karangalang nakukuha magmula sa elementarya hanggang sa magtapos siya ng mataas na paaralan. Limang taong gulang lamang siya nang pumasok sa elementarya sa Sarrat Central School. Sa pamantasan ng Pilipinas Siya nagtapos ng Mataas ng Paaralan noong 1933. Sa pamantasan ding iyon siya kumuha ng Abogasya at nagtapos bilang Cum Laude noong Marso, 1939. Nakamit niya ang President Manuel Quezon Medal Award dahil sa kanyang Graduation Thesis.

Siya ay iskolar sa buong panahon ng kanyang pag- aaral sa Pamantasan ng Pilipinas at naging kilala siya sa campus dahil sa kanyang kahusayan sa debate at pagtatalumpati. Maging sa larangan ng palakasan tulad ng swimming, boxing, at wrestling ay kinilala siya. Isa rin siyang sharpshooter sa paghawak ng baril. Siya ang nakakuha ng pinakamataas na karangalan sa Military Science and Tactics sa buong Pamantasan. Nagsulat din siya sa Philippines Collegian, ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Pilipinas.

Nagri- review noon si Ferdinand para sa bar exams nang matalo ang kanyang ama sa muli nitong pagtakbo bilang kongresista. Ang tumalo ditto, si Julio Nalundasan ay nabaril at namatay pagkatapos ng halalan. Si Ferdinand ang napagbintangan, at kahit pa nga isang mahusay na abogado ang nagtanggol sa kanya, nahatulan pa rin siya ng labimpitong taong pagkabilanggo.

Nasa loob siya ng kulungan ng maging topnotcher sa bar exams at nang maging ganap na abugado ay hiniling niya sa Kataas- taasang Hukuman na payagansiyang ipagtanggol ang sarili sa kasong ibinintang sa kanya. Dahil sa kanyang talino at kahusayan ay pinayagan siya ng Korte Suprema. Nanalo siya at napawalang- sala. Tinanghal siyang lawyer of the year at hinangaan ng mga kapwa abogado.

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naglingkod siya sa hukbong sandatahan ng Pilipinas. Nakasama siya sa Martsa ng Kamatayan at nakaranas ng hirap at sakit bilang bilanggo ng digmaan sa Kuta Santiago at Capas, Tarlac. Naging meydor siya bago bumalik sa sibilyang buhay.

Nagsimula ang kanyang pagpasok sa pulitika nang matapos ang digmaan. Kumandidato siya sa pagka- kongresista ng Ilocos Norte at siya ay nanalo. Ang unang pinagtuunan niya ng pansin ay ang kalagayan ng mga magsasaka sa kanilang lalawigan at sa buong bansa na rin.

Nang sumunod na halalan, 1953, ay muli siyang nanalong kongresista at naging assistant minority floor leader sa kongreso. Dito niya nakalapit si Daniel Romualdez na pinsan ni Imelda. Sa pamamagitan ni Daniel ay nagkakilala sila ni Imelda na naging Miss Manila (Ginang Maynila). Sinasabi na naging makulay ang pag- iibigan nina Ferdinand at Imelda. Ikinasal sila sa Huwes noong Mayo 1, 1954. Sina dating pangulong Ramon Magsaysay ang nagging ninong nila sa kasal. Tatlo ang kanilang naging anak, sina Imee, Ferdinand Jr. at Irene.

Hindi na napigil ang pag- imbulog ni Marcos sa larangan ng pulitika. Sa ikatlong pagkakataon ay nahalal siyang kongresista noong 1957 at senador naman noong 1959. Noong Nobyembre 9, 1965, nanalong pangulo si Marcos at pangalawang pangulo naman si Eugenio Lopez. Natalo nila sina Diosdado Macapagal at Gerry Roxas. Umalingawngaw sa buong bansa ang kanyang slogan, “Magiging Dakilang muli ang bansang ito!”

Totoo sa kanyang slogan, pinangatawanan ni Marcos ang pagbangon sa bansa mula sa mahirap na kalagayan nito. Nahaharap noon ang bansa sa malalaking suliranin tulad ng kakapusan ng salapi para sa edukasyon , tanggulang bansa, mga pagawain at para sa kalusugan. Gayunman, nakapagpagawa siya ng maraming patubig at naipalaganap sa buong bansa ang tinatawag na miracle rice.

Ang mga magsasaka ay nabigyan ng mga kaalamang teknikal ukol sa modernong pagsasaka. Marami rin siyang naipagawang mga kalsada, tulay at School building. Nilabanan niya ang smuggling at sinimulan ang pakikipaglaban sa mga NPA.

Nang sumapit ang sumunod na halalan noong 1969, muling nanalo si Marcos bilang pangulo at si Lopez bilang pangalawang pangulo. Ngunit sa pagkakataong ito ay unti- unti nang nawawala ang tiwala ng tao sa pamahalaan dala ng malalaking problemang kinakaharap ng bansa. Tumaas ang presyo ng langis at kasunod nito ang pagtaas ng mga bilihin. Marami ang naghirap at nagutom. Tumaas ang kriminalidad at nasangkot ang pamahalaan sa malalaking anomalya at eskandalo.

Nagkaroon ng madadalas at malakihang demonstrasyon na nilahukan pati ng mga estudyante at taong simbahan. Ang pinakamadugong demonstrasyon ay naganap noong Enero 30, 1970 sa Tulay ng Mendiola.

Agosto 21, 1971 ay sinuspinde ni Marcos ang Writ of Habeas Corpus upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan. Binomba kasi ang rallyista ang Partidong Liberal o Liberal Party sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971 upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Noong Setyembre 21, 1972 ay ibinaba ang Batas Militar (Martial Law). Marami na raw krisis ang nararanasan ng bansa tulad ng pagbomba sa Plaza Miranda, pagsabotahe at pagwasak sa mga pribado at pambansang ari- arian. Walang puknat na rally ng mga manggagawa at mga estudyante at ang pinakahuli ay ang pagtambang sa Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Juan Ponce Enrile.

Nobyembre 19, 1972 ay natapos ang bagong Saligang Batas. Pinagtibay ito sa isang referendum noong Enero 19, 1973.

Totoong nabawasan ang kriminalidad dahil sa takot ng mga mamamayan sa Batas Militar. Maraming ipinahuli at ipinabilanggo si Marcos, lalo na ang mga lumalaban sa gobyerno. Ngunit hindi napayapa ang damdamin ng bayan. Anuman ang ipalabas ng pamahalaan tungkol sa kalagayan ng mga mamamayan sa malalaking anomalya sa gobyerno.

Hindi rin nakaligtas sa mata ng mga tao ang maluhong pamumuhay ni Ginang Imaelda Marcos at ng mga anak nito. Marami ang nagsasabi na sa nararamdamang kahirapan ng bayan ay hindi na dapat namumuhay ang Unang Ginang na tila ba ito ay nasa isang mayamang bansa.

Sa panahong ito ng Batas Militar ay sumikat ang programang Bagong Lipunan.Ito ang sagot ni Marcos sa nagaganap na pagrirebelde ng mga tao. Maraming naisagawa nang mga panahong ito tulad ng pag- akit sa mga dayuhang mamumuhunan, pagsigla ng turismo sa bansa, pagtatayo ng mga impratruktura tulad ng Cultural Center of the Philippines, Folk Arts Theater, San Juanico Bridge, Philcite at iba pa. Nagkaroon na rin ng LRT na hanggang sa ngayon ay pinakikinabangan ng sambayanan at ipinagpatuloy pa ang pagpapagawa sa ibang lugar ng Kamaynilaan.

Gayunman ay hindi nawala ang takot sa mga mamamayan. Maraming mga opisyal ng pamahalaan at mga military ang kinatakutan ng mga tao adahil umabuso sa kapangyarihan. Lalong nagging mahigpit ang militar sa karapatang pantao. Ipinasara ang mga palimbagan ng diyaryo at magasin pati na ang mga istasyon ng radio at telebisyon. Wala nang maririnig sa radyo at telebisyon ay pawing mga papuri sa gobyerno.

Nagkaroon ng pakunwaring wakas ang Batas Militar noong Enero 17, 1981 sa pamamagitan ng Proklamasyon 2045 na nilagdaan ni Marcos.

Sa kabila ng pagtatapos ng Martial Law ay hindi nahinto ang paglaganap ng kapangyarihan ng komunista sa bansa. Nabahala ang mga Amerikano kaya kinumbinse nila si Marcos na magdaos ng Presidential Snap Election upang Makita kung sinusuportahan pa rin ng tao ang kanyang pamahalaan. Idinaos ang halalan noong Pebrero 7, 1986 at nakalaban niya si Cory, ang asawa ng dating Senador Ninoy Aquino na Mahigpit niyang tagatuligsa.

Ayon sa Comelec ay nanalo si Marcos ngunit sabilang ng Namfrel ay si Cory naman ang nanalo. Nagprotesta si Cory at tumawag ng civil disobedience. Nagsagawa naman ng kudeta sina Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile. Nanawagan naman sa tao si Jaime Cardinal Sin kaya dumagsa ang mga tao sa EDSA na nagnanais na mapalayas si Marcos sa puwesto. At naganap ang makasaysayang People’s Power na nagpatalsik kay Marcos.

Si Marcos, ang kanyang pamilya at ilang miyembro ng gabinete ay dinala ng mga Amerikano sa Estados Unidos upang maiwasan ang madugong pangyayari na maaaring maganap sa pagitan ng mga tagasunod nito at ni Cory Aquino.

Namatay si Marcos noong Setyembre 28, 1989 sa Makiki, Hawaii. Iniuwi sa bansa ang kanyang bangkay at inilagsak sa isang glass case crypt sa kanyang sinilangang bayan. Namatay siya sa gulang na 72.



Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Ferdinand_E._Marcos

Diosdado Macapagal

(Setyembre 28, 1910 - Abril 21, 1997)




Si Diosdado Pangan Macapagal ang ikasiyam na pangulo ng Pilipinas (Disyembre 30, 1961 - Disyembre 30, 1965). Ama siya ni Gloria Macapagal-Arroyo na naging pangulo rin.

Tinagurian si Diosdado Macapagal bilang "Batang Mahirap mula sa Lubao" dahil anak siya ng isang mahirap na magsasaka. Isinilang siya sa San Nicolas, Lubao, Pampanga noong Setyembre 28, 1910 kina Urbano Macapagal at Romana Pangan. Tumira siya isang tahanan at pumailalim sa pangangalaga ni Don Honorio Ventura hanggang magtapos ng pagka-Duktor sa mga Batas mula sa Pamantasan ng Santo Tomas noong 1936 at pumasok sa pulitika. Bayaw siya ni Rogelio de la Rosa, embahador ng Pilipinas sa Cambodia.

Naging unang asawa niya si Purita de la Rosa. Nang sumakabilang buhay ito, naging pangalawang asawa niya si Evangeline Macaraeg. Anak niya si Gloria Macapagal-Arroyo, ang kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas, at sina Maria Cielo Macapagal Salgado, Arturo Macapagal Arroyo, at Diosdado Macapagal Arroyo, Jr.

Nagtapos siya ng elementarya mula sa Mababang Paaralan ng Lubao at ng sekondarya mula sa Mataas na Paaralan ng Pampanga. Nagtapos siya ng kolehiyo mula sa Pamantasan ng Santo Tomas. Nagkamit siya ng degri sa larangan ng Abogasya. Nagkamit din siya ng pagka-Doktor ng Batas na Sibil at Doktor ng Ekonomiya.

Una siyang nagtrabaho bilang abogado para sa isang tanggapang Amerikano. Nahalal siya sa Kongreso noong 1949 at sa muli noong 1953. Siya ang may-akda ng Batas ng Kalusugang Rural (Rural Health Law) at ng Batas hinggil sa Naangkop na Mababang Sahod (Minimum Wage Law). Nanguna rin siya sa delegasyong para sa Tratado ng Mutwal na Depensa ng Estados Unidos at Republika ng Pilipinas (US-RP Mutual Defense Treaty). Nahalal siya bilang Pangalawang Pangulo noong 1957 at naging Pangulo noong 1961. Inilunsad niya ang Kodigong Pangrepormang Panlupang Pansakahan (Agricultural Land Reform Code) at nilinis ang katiwalian sa pamahalaan. Limang taon siyang nagkaroon ng kaugnayan sa Programang Sosyo-Ekonomiko para sa pagkontrol ng pangangalakal sa ibang bansa. Kilala rin siya sa pagkakaroon ng nasyonalisasyon ng pagtitingi (retail) at dahil sa Panukalang Batas na Pangrepormang Panglupa. Bilang dagdag, kabilang din sa kaniyang mga nagawa ang pagpapakalat ng Pambansang Wika, ang pagbabago ng petsa ng Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 na naging Hunyo 12, ang pag-aangkin sa Sabah (opisyal na iniharap noong Hunyo 22, 1962, at sa pagbubuo ng Maphilindo.

Sa eleksiyon ng 1963, maraming nanalong kandidato mula sa Partidong Liberal at naging pangulo ng Senado si Ferdinand E. Marcos, isa ring Liberal katulad ni Macapagal. Subalit nagkaroon ng hidwaan sina Marcos at Macapagal. Humiwalay sa Partido Liberal si Marcos at ginawa siyang kandidato ng Partido Nasyonalista sa pagkapangulo sa halalan ng 1965. Tinalo ni Marcos si Macapagal sa halalang iyon.

Humalili siya bilang pangulo ng Kumbensyong Konstitusyonal noong 1971.

Namatay siya dahil sa atake sa puso, pneumonia, at sakit sa bato. Sa Sentrong Pangkalusugan ng Makati (Makati Medical Center) sa Lungsod ng Makati, noong Abril 21, 1997, sa edad na 86. Inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig, Maynila.


Carlos P. Garcia

(Nobyembre 4, 1896 - Hunyo 14, 1971)



Si Carlos Polistico Garcia ay isang Pilipinong makata at pulitiko. Naging pangalawang pangulo at miyembro ng gabinete ni Ramon Magsaysay si Garcia. Nanumpa siya bilang pangulo nang mamatay si Magsaysay. Kilala si Garcia kanyang pagpapatupad ng Filipino First Policy.

Carlos Polestico Doi Garcia (1896-1971), presidente ng Republika ng Pilipinas noong 1957 hanggang 1961. Isinilang si Garcia noong Nobyembre 4, 1896 sa Lungsod ng Talibon, Bohol sa Kapuluan ng Kabisayaan sa Kalagitnaang Pilipinas. ang kaniyang mga magulang ay sina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Nag-aral siya sa Silliman University at Silliman Institute, sa lungsod ng Dumaguete, at kinalaunan nagtapos din siya ng abogasya sa Philippine Law School noong 1922 sa Maynila. Naging abogado at guro, pinasok niya ang politika noong 1926 bilang mambabatas na kaanib sa Kapulungan ng mga Kinatawan (Philippine House of Representatives) at naglingkod hanggang 1932. Si Garcia ay naging gobernador ng Bohol, isang probinsiya sa Katimugang Pilipinas, mula 1932 hanggang 1942, at naging miyembro ng Senado mula 1942 hanggang 1953. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939-1945), lumaban siya sa pananakop ng mga Hapon bilang miyembro ng mga gerilya na nakabase sa Bohol, at ang tinulungan ng mga tropang Pilipino at Amerikano sa Bohol. Noong 1946 ay naging puno siya ng minoriya sa Senado.

Noong 1953 si Garcia ay nanombrahan bilang bise presidente na kabilang sa Tiket Nasyonalista na pinangunguluhan ni Ramon Magsaysay, isang politikong Pilipino na bumuo at namuno sa isang pwersang guerilla na lumaban sa pananakop ng mga Hapones. Nakamit nila ang mapagpasyang tagumpay, at noong 1954, si Garcia ay naging bise presidente at Kalihim ng Suliraning Panlabas.

Noong Marso 1957 si Garcia ay naging presidente matapos pumanaw si Magsaysay sa isang aksidente sa eroplano, at nagwagi rin siya sa Halalan ng Panguluhan noong Nobyembre 1957.

Habang nasa kapangyarihan, ang Pamahalaan ni Garcia ay nakipag-usap sa mga pinuno ng Bansang Amerika upang mailipat sa kontrol ng Pilipinas ang mga hindi na ginagamit na Base Militar ng Amerika. Sa kalaunan ay naging labis ang pagiging maka-Pilipino ni Garcia at ang pagsira sa kanya ay pinasimulan sa mga pahayagan, sa himpapawid sa tulong ng CIA samantalang pinaboran naman ng mga Amerikano si Diosdado Macapagal upang manalo sa Halalan noong 1961.

Bukod sa kanyang mga nagawa bilang makabansang pulitiko, si Garcia ay kilala rin na makata sa kanyang diyalektong Bisaya. Namatay siya sa atake sa puso noong Hunyo 14, 1971 sa edad na 75.

Ramon Magsaysay

(Agosto 31, 1907 – Marso 17, 1957)



Si Ramon del Fierro Magsaysay o Ramón "Monching" Magsaysay ang ikatlong pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas mula Disyembre 30, 1953 hanggang sa kanyang kamatayan.

Si Magsaysay ay isinilang sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 kina Exequiel Magsaysay at Perfecta del Fierro. Nag-aral sa Pamantasan ng Pilipinas at Jose Rizal College.

Naglingkod siya bilang tagapamahala ng Try-Tran Motors bago magkadigma. Nang bumagsak ang Bataan inorganisa niya ang "Pwersang Gerilya sa Kanlurang Luzon" at Pinalaya ng pwersang Amerikano at Pilipino ang Zambales noong Enero 26, 1945. Noong 1950, bilang kalihim ng Pagtatanggol kaniyang binuwag ang pamunuan ng mga Hukbalahap. Pinigil niya ang panganib na lilikhain ng pulahang Komunista at naging napakatanyag sa mamamayan. Noong eleksyon ng 1953, tinalo niya si Quirino at naging ikatlong pangulo ng republika. Ang kanyang pangalawang pangulo ay si Carlos P. Garcia.

Iniligtas ni Pangulong Magsaysay ang demokrasya sa Pilipinas. Ito ang kanyang pinakamahalagang nagawa. Pinigil niya ang paghihimagsik ng Huk o ng komunista. Si Luis Taruc, Supremo ng Huk o ang pinakamataas na lider ng komunista, ay sumuko sa kanya. Kaya si Magsaysay ay tinawag na "Tagapagligtas ng Demokrasya".

Siya ang pinakamamahal na Pangulo ng Pilipinas dahil ibinalik niya ang tiwala ng pamahalaan. Subalit nagwakas ito ng mamatay siya dahil sa isang pagbagsak ng eroplano sa isang bundok sa Manunggal, Cebu noong Marso 17, 1957.

Elpidio Quirino

(Nobyembre 16, 1890—Pebrero 29, 1956)




Si Elpidio Rivera Quirino ay isang pulitiko at ang ikaanim na pangulo ng Pilipinas. Nagsilbi siya mula Abril 17, 1948 hanggang Disyembre 30, 1953.

Isinilang si Quirino sa Vigan, Ilocos Sur Noong Nobyembre 16, 1890 kina Mariano Quirino at Gregoria Rivera. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines) noong 1915.

Nahalal sa Kongreso noong 1919. Hiniram na Kalihim ng Pananalapi ni Gob. Hen. Murphy noong 1934 at naging kasapi ng "Constitutional Convention". Naging pangalawang pangulo siya ni Manuel Roxas noong 1946. At nanumpa bilang Pangulo pagkaraang mamatay si Roxas noong Abril 17, 1948. Kinaharap ng administrasyong Quirino ang isang malubhang banta ng kilusang komunistang Hukbalahap. Pinasimulan niya ang kampanya laban sa mga Huk. Bilang Pangulo, muli niyang itinayo ang ekonomiya ng bansa, pinaunlad niya ang pagsasaka, at mga industriya.

Tinalo ni Ramon Magsaysay sa kanyang ikawalang pagtakbo bilang pangulo. Namatay siya sa atake sa puso noong Pebrero 29, 1956 sa gulang na 66.

Siya ang unang Ilokanong pangulo.