http://www.skulko.blogspot.com

Pages

Diego Silang


Si Diego Silang (1730-1763), bayani ng Ilokos, ay ang pinuno ng isang matagumpay na pag-aalsa laban sa mga Espanyol bago naganap ang Himagsikang Pilipino. Siya, at ang kanyang asawa na si Gabriela Silang ang nanguna sa landas tungo sa paglaya ng mga Pilipino.

Buhay

Ipinanganak siya noong 16 Disyembre 1730 sa Aringay, La Union at supling nina Miguel Silang at Nicolasa Delos Santos. Maaga siyang naulila sa mga magulang kaya naman siya ay lumaki sa isang kumbento, at ang mga pari ang nagsilbi niyang mga magulang.

Dahil sa isa siyang mabuting tao at mapagkakatiwalaan, naging tagapagbalita siya o mensahero ng mga pari, at nagdadala siya ng mga mensahe mula Vigan patungong Maynila. Dahil sa kanyang mga gawain, naging malimit ang pagpunta ni Diego Silang sa Maynila at dito, nakita niya ang tunay na kaganapan sa Pilipinas. Dito niya nakita ang masama at mapagsamantalang mga Kastila.

Pag-aalsa

Kaya naman sa pagbabalik ni Silang sa Pangasinan, siya at ang kanyang mga kaanak ay nag-isip ng planong paghihimagsik laban sa mga Kastila. Sumama siya sa isang kaanak at nagpunta sa Vigan upang simulan ang pag-aalsa. Nagtatag siya ng isang samahan upang tuluyang mapabagsak ang Pamahalaang Kastila.

Hindi naglaon, nagkaroon ng sunod-sunod na pag-aalsa sa Pangasinan, Cagayan, Laguna, at Batangas. Dahil sa nalaman ng mga maykapangyarihan ang nangyayaring pag-aalsa, hinuli si Diego at ipiniit. Sa kanyang muling paglaya, nagsagawa siyang muli ng mga rebelyon at dumami ang kanyang mga kapanalig. Noong 14 Disyembre 1762, matagumpay nilang sinakay ang Vigan at ipinahayag na malaya ang Ilokos.

Samantala, nagplano si Simon de Anda, mahistrado ng audiencia, ng gagawing pagpatay kay Diego. Nag-alok siya ng pabuya sa kung sinuman na makakapatay kay Diego. Sa kasamaang palad, noong 28 Mayo 1763, si Miguel Vicos, isang mestizo at si Pedro Becbec, isang taksil na tauhan ni Diego, ang nakapasok sa tirahan ni Silang at siya ay binaril. Agad naman siyang binawian ng buhay at nagbunyi ang mga Espanyol.

Ngunit bagama't si Diego ay patay na, ipinagpatuloy pa rin ng kanyang asawa ang pamumuno sa mga pag-aalsa.



Reference: http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Diego_Silang

0 comments:

Post a Comment