http://www.skulko.blogspot.com

Pages

Showing posts with label Alamat. Show all posts
Showing posts with label Alamat. Show all posts

Nilikha Ni Lumawig Ang Mga Tao




Si Lumawig ang pinaka-makapangyarihan sa lahat ng mga ‘diwata.’ Sa langit siya nakatira ngayon, subalit may isang panahon nuong nakaraan nang tumira siya sa Bontoc, isang nayon ng Igorot, at nag-asawa ng isang dalagang Bontoc. Ang mga bato ng kanilang bahay ay nakikita sa nayon hanggang ngayon.

Si Lumawig ang lumikha sa Igorot, at mula nuon, lagi na niyang inalagaan ang mga ito, tinuruan kung paano malabanan ang mga panganib sa kalikasan, kung paano magtanim, mag-ani at, katunayan, lahat ng alam ng mga Igorot ngayon. Buwan-buwan, pinaparangalan siya sa isang pagdiriwang sa banal (sagrado, holy) na kumpol ng mga puno. Sa paniwala ng mga Bontoc, ang mga puno ay tumubo sa ibabaw ng mga libingan ng mga anak ni Lumawig. Sa buwanang pagdiriwang, nagdarasal ang mga tao na maligtas sa sakit, mag-ani ng maraming pagkain, at magtagumpay sa bakbakan.

Halos magkatulad ang Lumawig ng mga Igorot at ang Kaboniyan, tinawag ding Kambun’yan, na ‘diwata’ ng mga Tinguian (bigkas: ting-YAN, ibig sabihin ay ‘taga-tinggi’ o ‘taga-bundok’) sa hilagang (norte, northern) dulo ng bulubunduking Cordillera... -- Mabel Cook Cole, Philippine Folk Tales, 1916

NUONG simula, walang tao sa daigdig. Si Lumawig, ang pinaka-makapangyarihang diwa (espiritu, god ), ay bumaba mula sa langit at pumutol ng maraming yantok (cañas, reeds). Pinaghiwa-hiwalay niya ang mga ito nang tig-2 bago ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Tapos, inutusan niya ang mga ito.

“Magsalita kayong lahat!”

Walang kaabog-abog, ang mga yantok ay naging mga tao, - naging isang babae at isang lalaki ang bawat tig-2 ikinalat sa daigdig. At lahat sila ay nagsimulang magsalita subalit magka-kaiba ang kanilang mga wika.

“Mag-asawa kayong lahat!”

Ito ang sunod na utos ni Lumawig. Sumunod ang mga bagong tao at pagkaraan ng panahon, maraming mga anak ang isinilang. Pagtagal pa, nag-asawa-asawa rin ang mga anak kaya lalong dumami ang mga tao sa daigdig. Lahat ay nagsalita ng wika ng kanilang mga magulang kaya magka-kaiba ang usap-usapan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Napansin ni Lumawig na may mga kailangan ang mga tao, at lumapag siya muli sa lupa upang magbigay ng biyaya. Nilikha niya ang asin, at inutos sa mga tao sa isang puok na pakuluan ito hanggang matuyo at tumigas, at ipagbili sa mga kalapit-pangkat. Hindi naunawaan ng mga tao duon kung paano sumunod sa utos kaya nuong pagbalik ni Lumawig, nakita niyang ni hindi hinipo ang asin. Dinala niya ang asin sa puok na tinawag na Mayinit at ang mga tagaruon ang inutusan. Sinunod siya ng mga tagaruon at, dahil dito, ipinahayag ni Lumawig na sila ang laging mag-aari sa asin habang panahon, at sa kanila bibili ng asin ang ibang mga tao.

Tapos, nagpunta naman si Lumawig sa Bontoc at inutusan ang mga tagaruon na kumuha ng luwad (arcilla, clay) at gumawa ng mga palayok (ollas, pots) at banga (tinajas, jars). Nag-ipon ng luwad ang mga tagaruon subalit hindi nila alam kung paano maghugis kaya tabi-tabingi ang ginawang mga banga. Dahil dito, inutos ni Lumawig na lagi na silang kailangang bumili ng banga mula sa ibang tao. Sa puok ng Samoki nagtuloy si Lumawig at ang mga tagaruon ang pinagawa ng mga banga at palayok. Mainam at maganda ang natapos ng mga taga-Samoki kaya inutos ni Lumawig na sila na ang magiging may-ari ng pagpa-paso (alfareria, pottery), na dapat silang gumawa ng maraming palayok at banga na ipagbibili sa ibang tao.

Sa ganitong paraan, naturuan ni Lumawig ang mga tao ay naibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan at gamit pa hanggang ngayon.





Reference: http://www.elaput.org/almat11.htm

Ang Mga Anak Ni Limocon




Ang limokon, sa tingin ng mga Mandaya, ay ibon ng tadhana, ang tagapag-hatid mula
sa ‘kabilang buhay’ (limbo, spirit world ) ng babala (aviso, warning) ng durating na panganib, o ng pahiwatig ng napipintong tagumpay. Kapag narinig ang ‘ku-ku-ru’ ng limokon mula sa kanan, paniwala ng Mandaya, matutupad ang binabalak, subalit kung nagmula sa kaliwa, mabibigo ang tangka...

Itong alamat ay lubhang kaiba sa mga alamat ng mga Bukidnon at Bagobo na nahaluan
ng mga pangaral ng catholico at mga Amerkano. Bagaman at mga kalapit pangkat nila
ang mga Bukidnon at Bagobo, itong alamat ng Mandaya ay likas na makaluma, at
maniwaring galing pa sa panahon bago dumating ang mga dayuhan...
-- Mabel Cook Cole, Philippine Folk Tales, 1916

NUONG pinaka-unang panahon, nuong wala pang tao sa daigdig, naglipana ang mga limokon, isang uri ng kalapati ( paloma, dove) na malakas at marunong magsalita tulad ng tao bagaman at sila ay anyong ibon. Minsan, isang limokon ay nangitlog - isa sa bukana ng ilog Mayo, at isa sa puno o simula ng ilog ding iyon. Pagkaraan ng panahon, napisa (empollar, hatch) ang 2 itlog at, at sa halip na limokon, ang lumabas ay 2 tao - lalaki sa bukana, at babae sa sibulan, ng ilog Mayo.

Lumaki at matagal na panahon namuhay ang 2 unang tao nang magkahiwalay, at walang malay na ibang tao na buhay maliban sa sarili nila. Lumbay na lumbay sila kapwa, at panay ang hangad na magkaruon sila ng kasama.

Ang lalaki ang unang nawalan ng tiyaga at nagsigasig na maghanap ng kapwa tao dahil isang araw, may pumatid sa kanya habang tumatawid siya sa ilog. Malakas ang patid sa kanya, tumumba siya at muntik nang malunod. Nang maka-ahon siya, natuklas niyang makapal na buhok ang pumatid sa kanya, at ipinasiya niyang hanapin kung kangino nagmula ito.

Malayo ang narating paakyat sa pinagmulan ng ilog Mayo, inusisa ng lalaki ang magkabilang pampang hanggang sa wakas, natagpuan niya ang babae sa sibulan ng ilog. Tuwang-tuwa sila kapwa at nakakita na ng makakasama. Nag-asawa sila at maraming naging anak - mga tao na tinatawag pang Mandaya hanggang ngayon, at namumuhay pa rin sa tuntunin ng ilog Mayo.





Reference: http://www.elaput.org/almat10.htm

Ang Sibulan Sa Bundok Apo




SIBULAN: pinagmulan; bukal ng sapa o ilog; tinubuan... --Carl R. Galvez Rubino, Tagalog-English Dictionary

Ito ay mainam halimbawa kung paano tinatangka ng mga tao na ipaliwanag ang mga bagay at pangyayari sa kani-kanilang paligid. Halos lahat sila, pati ang mga Bagobo, ay naniwalang sila ang kauna-unahang tao. Sa matandang-matanda nang alamat na ito, inilahad ng Bagobo ang pinagmulan nila at ng mga kalapit. At binago ang alamat upang ipaliwanag ang pinagmulan ng mga ang Español at Amerkano na dumating nitong nakaraang 400 taon lamang... --Mabel Cook Cole, Philippine Folk Tales, 1916


NUONG pasimula, nabuhay ang isang lalaki lamang, si Toglai, at isang babae, si Toglibon. Ang 2 unang anak nila at isang lalaki at babae na, paglaki, ay naglakbay sa malayong-malayo upang humanap ng matitirahan. Walang nabalita tungkol sa kanila hanggang bumalik ang kanilang mga anak, ang mga Español at mga Amerkano.

Pagkatapos umalis ang 2 unang anak, nagka-anak pa ng marami sina Toglai at Toglibon. Wala sa kanilang umalis, namuhay lahat sa Sibulan, sa gilid ng bundok Apo, kasama ng kanilang mga magulang. Pagkaraan ng matagal na matagal na panahon, namatay din, sa wakas, sina Toglai at Toglibon at naging mga diwata.’

Hindi nagtagal pagkatapos, nagpanahon ng tuyot (sequia,
drought
) at sa luob ng 3 taon,
wala kasing patak ng ulan (lluvia, rain) na bumagsak. Lahat ng ilog at lawa ay natuyo, at sa kawalan ng tubig, natuyo lahat ng halaman, at namatay pati mga isda at iba pang hayop na nabubuhay sa tubig.

“Talagang pinarurusahan tayo ni Manama,” sabi ng mga ulilang magkakapatid. “Kailangang maglakbay tayo nang malayo sa iba’t ibang upang humanap ng tubig at pagkain.”

Dala-dalawa, nag-alisan ang magkakapatid mula sa sinibulan sa bundok Apo at kumalat kung saan-saan. Sa bawat puok na tinigilan nila, dumami ang mga tao at ganito nagka-tao sa buong daigdig. Ang pangkat-pangkat na nabuo ng kanilang mga anak-anakan (descendants) ay tinatawag pa hanggang ngayon ayon sa mga bagay na dala nila mula sa Sibulan.

Isang babae at isang lalaki ay nagtungo sa kanluran (occidente, west), bitbit-bitbit ang mga bato mula sa ilog Sibulan. Pagkatapos ng mahabang lakbay, nakarating sila sa isang puok na may mala-lawak na bukid, tinutubuan ng makapal na talahib (cogon, elephant grass), at dinidilig ng marami at malalaking ilog at lawa ng tubig (laguna, lake). Nanduon pa hanggang ngayon ang kanilang mga anak-anakan, tinatawag na Magindanao dahil sa mga bato mula sa ilog Sibulan na binibitbit duon ng mga ninuno.

Dalawa pang anak nina Toglai at Toglibon ay nagtungo naman sa timog (sur, south), bitbit ang mga buslo (cestas, baskets) na tinawag na mga baraan. Nakakita rin sila ng mainam na matitirahan, at duon dumami ang kanilang mga anak-anakan, tinatawag ngayong Baraan o Bilaan dahil sa dala-dalang mga baraan ng kanilang ninuno.

Dalawa sa mga naulilang anak nina Toglai at Toglibon, isang binatilyo at isang dalagita, ay hindi nakaalis sa bundok Apo dahil masyado nang nanghina sa gutom upang maglakbay. Dumating ang araw na agaw-buhay na sila nang gumapang ang binatilyo upang humanap ng anumang makakain. Hindi inaasahan, nakakita siya ng tubo matamis (sugarcane) na, pagkaputol niya, ay may sapat na katas (jugo, juice) upang buhain silang dalawa hanggang natapos ang panahon ng tag-tuyot at nagsimula ang tag-ulan. Dahil dito, ang mga anak-anakan nila ay tinatawag ngayong Bagobo.





Reference: http://www.elaput.org/almat09.htm

Digmaan: Kung Paano Nilikha Ang Daigdig




LIBU-LIBONG taon sa nakaraan, nuong wala pang araw o buwan, o mga bituwin, walang lupa - ang daigdig ay natatakpan ng dilim at malawak na dagat. At sa itaas, ng taklob ng langit. Ang makapangyarihang Kaptan ang hari sa langit, samantalang ang tubig ay kaharian ni Maguayan.

May anak na babae si Maguayan, ang ngalan ay Lidagat. Lalaki ang anak ni Kaptan, si Lihangin. Nagkasundo ang 2 diyos na mag-asawa ang mga anak nila kaya nagsama ang hangin at dagat. Nagka-anak sila ng 3 lalaki at isang babae, si Lisuga, hubog sa lantay na pilak ( pura plata, pure silver), mahinhin at mayumi. Ang mga lalaki ay si Likalibutan, buong bato, malakas at matapang, si Liadlao, lantay na ginto at laging masaya, at si Libulan, buong tanso, mahina at kimi.

Mahal silang lahat ng mga magulang at pinalaki sila sa ligaya. Dumating ang panahon, namatay si Lihangin. Si Likalibutan, ang panganay, ang nagmana ng pagka-hari sa hangin. Hindi nagtagal, si Lidagat man ay namatay. Naiwang ulila ang mga anak kaya inaruga sila ng mga lolo, sina Kaptan at Maguayan, at iniligtas sa anumang panganib.

Paglaki, nawili si Likalibutan sa minanang pagka-hari sa hangin, at hinangad niyang

palakihin pang lalo ang kanyang kapangyarihan. Inamuki niya ang 2 kapatid na lalaki na sumabwat sa kanyang pag-agaw sa lakas ng lolo, si Kaptan. Tumanggi muna ang 2 kapatid subalit nagalit si Likalibutan kaya pumayag na rin si Liadlao upang mapahinahon ang kapatid. Magkatulong, madali nilang napilit ang kiming kapatid, si Libulan.

Naghanda sila at biglang sinugod ang langit subalit hindi nila naibagsak ang nakaharang na pintong bakal. Pinawalan ni Likalibutan ang pinaka-malakas niyang hangin at giniba ng ipu-ipo ang pintong bakal. Lumusob ang 3 magka-kapatid subalit hinarap sila ng puot na puot na Kaptan. Natakot ang 3 at mabilis na tumalilis subalit ipinahagad sila sa kidlat ni Kaptan.

Ang kiming Libulan ang unang tinamaan, natunay at naging bilog na bola. Sunod tinamaan at natunay ang ginintuang Liadlao. Nang tamaan ng kidlat si Likalibutan, nagka-pira-piraso ang kanyang katawang bato at kalat-kalat na bumagsak sa dagat. Napaka-laki ng katawan ni Likalibutan kaya ang tipak-tipak na bato ay usli sa dagat at naging mga pulo.

Samantala, ang mayuming Lisuga ay nalumbay at hinanap ang mga kapatid, walang malay na nagka-digmaan, at puot na puot ang kanyang lolo. Papalapit pa lamang siya sa langit nang nalingatan si Kaptan at, bago nakapag-pigil, pinukol din ng kidlat. Nadurog si Lisuga sa libu-libong piraso ng pilak.

Sukdulan pa rin ang galit, lumundag sa dagat si Kaptan at sumisid upang sabakan si Maguayan na akala niya ay kasabwat sa paglusob. Subalit mabilis na lumitaw si Maguayan at nangatwirang wala siyang kinalaman sa nangyari, sapagkat natutulog siya nuon sa kalaliman ng dagat. Napahinahon din niya sa wakas si Kaptan, at magka-akbay silang nagluksa sa pagkamatay ng mga apo, lalo na ang maganda at mahinhing Lisuga.

Sinubok nilang ibalik ang buhay ang mga apo subalit hindi abot ng kanilang kapangyarihan, kaya pinatawan na lamang nila ng liwanag na kikinang habang panahon. Sa gayon, ang ginintuang katawan ni Liadlao ay naging araw (sol, sun), ang kiming Libulan ang naging buwan (luna, moon), at si Lisuga ay naging libu-libong bituwin sa langit.

Ang buhong na Likalibutan ay hindi binigyan ng liwanag at hindi inangat sa langit. Ipinasiya ng 2 lolo na gamitin ang kanyang pira-pirasong bangkay bilang sibulan ng ibang uri ng tao. Naglabas ng buto si Kaptan at itinanim sa isang pulo na dating bahagi ni Likalibutan. Dinilig ito lagi ni Maguayan at hindi nagtagal, tumubo ang isang puno ng kawayan. Mula sa isang biyas (node) nito, lumabas ang isang lalaki, si Sikalak, at isang babae, si Sikabay. Sila ang magulang at ninuno ng lahat ng tao sa daigdig.

Ang unang anak nila ay ang lalaking Libo, sinundan ng babaing Saman. Ang pang-3 anak ay isang lalaki rin, si Pandaguan na nagka-anak din ng isang lalaki, si Arion.

Matalino si Pandaguan at lumikha siya ng bitag (trampa, trap) na panghuli ng isda. Ang una niyang nabihag ay isang dambuhalang pating na pagka-ahon sa lupa ay napaka-laki at nakaka-takot kaya inakala ni Pandaguan na isang diyos ito. Agad niyang tinawag ang mga tao at hinimok na sambahin nilang lahat ang pating. Paligid silang umaawit at nagdarasal sa pating nang biglang bumuka ang langit at dagat at lumitaw ang 2 tunay na diyos, sina Kaptan at Maguayan. Inutos nila na itapon ang pating sa dagat at huwag sumamba kahit kanino maliban sa kanilang dalawa.

Lahat ay natakot maliban kay Pandaguan. Hinarap niya ang 2 diyos at pinilit na kasing laki ng diyos ang pating. Dinagdag pa niya, dahil nagapi niya ang

pating kaya niya rin talunin ang mga diyos. Pagkarinig dito, pinukol ni Kaptan ng kidlat si Pandaguan, subalit munting kidlat lamang sapagkat ayaw niyang patayin ito, bagkus turuan lamang madalâ. Tapos, pinarusahan nilang dalawa ni Maguayan ang lahat ng tao. Pinalayas nila ang mga tao sa kalat-kalat na pulo.

Hindi nga namatay si Pandaguan bagaman at 30 araw siyang nahandusay bago nakatayo uli. Lumakas siya uli, subalit sunog ang buong katawan kaya lahat ng anak niya mula nuon ay itim ang balat. Si Arion na anak niya bago nagka-parusahan ay hindi umitim. Pinalayas siya ng 2 diyos sa hilaga (norte, north) kung saan siya lalong namutla. Kaya ang mga anak-anakan niya ay mapuputi ang mga balat.

Si Libo at si Saman ay ipinatapon sa timog (sur, south) kung saan “naluto” ang kanilang balat, kaya ang mga anak-anakan nila ay kayumanggi ang kulay. Ang anak na lalaki ni Saman, kasama ang anak na babae ni Sikalak, ay itinaboy sa silangan (oriente, east) at nasadlak sa pulo na matagal bago tinubuan ng halaman. Walang pagkain, napilitan ang dalawa na kumain ng luwad (arcilla, clay), kaya ang mga anak-anakan nila ay dilaw (amarillo, yellow) ang kulay ng balat.

Ganito nalikha ang araw, buwan at mga bituwin sa langit, ang mga pulo sa ibabaw ng dagat, at paano nagkaruon ng iba’t ibang uri ng tao sa daigdig.





Reference: http://www.elaput.org/almat08.htm

Si Lalak, At Si Babaye




Nuong unang panahon, may 2 bathala na namamahay sa langit, si Kaptan at si Maguayan. Napa-ibig si Kaptan kay Maguayan at sila ay nag-asawa.

Isang araw, tulad sa nangyayari sa mga mag-asawa pagkatapos ng unang pagsasama, nag-away si Kaptan at si Maguayan. Sa bugso ng galit ni Kaptan, pinalayas niya ang kanyang asawa. Malaki ang paghihinagpis na umalis si Maguayan.

Nang wala na ang diyosa, ang diyos na Kaptan ay inabot ng lumbay. Nabagabag siya ng kamaliang ipinataw niya sa kanyang asawa. Subalit huli na upang humingi siya ng patawad. Hinalughog niya ang buong kalangitan, subalit hindi niya natagpuan si Maguayan. Tulad sa usok naglaho ang diyosa.

Upang mahupa ang kanyang lumbay, ang namimighating diyos ay lumikha ng daigdig at nagtanim ng kawayan sa halaman na pinangalanang Kahilwayan. Nagtanim din siya ng palay, mais at tubo. Sa lahat ng mga tanim, ang kawayan ang unang umusbong. Tumubo itong maganda puno na malambot ang mga sanga at mga dahon na parang balahibong kumakaway sa daloy ng hangin.

Nang makita ang ganda ng kanyang nilikha, napuno ng ligaya ang kaluoban ni Kaptan. “Ah,” buntong hininga niya, “kung narito lamang si Maguayan, malulugod siyang masdan itong magandang tanawin sa gitna ng simoy ng hangin at kiskisan ng mga dahon!”

Patuloy ang pagtubo ng kawayan. Ang halamanan ay lalong gumaganda araw-araw. Isang dapit-hapon, habang si Kaptan ay nanunuod ng kaway-kaway ng mga dahon sa simoy ng hangin, isang sapantaha ang nabuo sa kanyang isip at, bago pa niya namalayan kung ano ang nangyayari, binulong na niya sa kanyang sarili, “Lilikha ako ng mga mag-aalaga nitong mga halaman.”

Agad-agad, ang kawayan ay nahati sa 2 kabiyak. Mula sa isang bahagi, lumitaw ang unang tao. Pinangalan ni Kaptan ang tao ng Sikalak, pangalang nangangahulugan “ang matipunong nilikha.” At mula nga nuon, ang mga katulad ni Sikalak ay tinawag na lalak, o sa palayaw na lalaki.”

Pagkatapos, mula sa kabilang bahagi ng biyak na kawayan lumitaw ang pangalawang nilikha. Bininyagan siya ng diyos ng Sikabay, pangalang ibig sabihin ay “katulong ng nilalang na malakas.” Mula nuon, ang kanyang mga katulad ay tinawag na sibabaye o babaye, sa palayaw.

Magkasama, ang dalawang nilikha ay nagtanim sa halamanan at inalagaan ang mga pananim. Sa kabilang dako, si Kaptan ay nagpunta sa malayo upang hanapin si Maguayan.

Isang araw, pagka-alis ng diyos, niyaya ni Sikalak si Sikabay na magpakasal sa kanya. Subalit ang babae ay tumanggi. “Hindi ba magkapatid tayo?” pinagalitan niya ang lalaki.

“Tutuo ang sinabi mo. Subalit walang ibang tao dito sa halamanan,” nangatwiran si Sikalak. “At kailangan natin ang mga anak na tutulong mag-alaga dito sa napaka-laking lupa para sa ating panginoon.”

Hindi natinag ang babae. “Alam ko,” sagot niya, “subalit ikay ay aking kapatid. Kapwa tayo isinilang sa iisang puno ng kawayan, at kaisa-isang biyas ang nagkabit sa ating dalawa.”

Pagtagal-tagal, matapos ng mahabang pagtatalo, humingi sila ng payo sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid. Ipinayo ng mga isda at ng mga ibon na magpakasal sila. Hindi pa rin nahimok, sumangguni si Sikabay sa lindol, na sang-ayon din sa kanilang pag-aasawa.

“Kailangang mag-asawa kayo,” sabi ng lindol, “upang magka-tao sa daigdig.”

Kaya nag-asawa sina Sikalak at Sikabay. Ang una nilang anak ay isang lalaki, na pinangalanan nilang Sibu. Pagkatapos, nagka-anak sila ng isang babae, na tinawag nilang Samar.





Reference: http://www.elaput.org/almat07.htm

Ang Pinagmulan Ng Daigdig




Itong kasaysayan ay alam ng mga Bilaan. Isa sila sa pinaka-lihim na tribo nuong panahon ng Español, subalit may mga bahagi itong kasaysayan na katulad ng mga cuento sa Biblia. Pahiwatig ito na, malamang, nahaluan ito ng mga pangaral ng catholico na, kakatwa, ay maaaring nagmula sa mga Moro... -- Mabel (Cook) Cole

1. ANG KASAYSAYAN NG PAGLIKHA

NUONG kauna-unahang panahon, may isang nilalang na napaka-laki, hindi maaaring ihambing sa kahit anuman. Ang ngalan niya ay Melu. Ang mga ipin niya ay lantay na ginto, at ang bahay niya ay mga ulap. Kapag umupo siya, natatakpan ang buong langit. Ang linis-linis niya, lagi na lamang naghihilod sa katawan kaya naging lubusang puti ang kanyang balat. Ang libag - ang patay na balat na nahilod mula sa katawan - ay inipon niya sa isang tabi.

Pagtagal, sa laki ng katawan, napaka-laking tumpok ng libag ang naipon at medyo nainis si Melu. Pinag-isipan niya kung ano ang maiging gawin sa libag. Sa wakas, ipinasiya niyang gamitin ito sa paglikha ng daigdig. Maingat at matagal niyang hinugis ang libag at pagkatapos, natuwa siya sa kanyang nilikha. Habang pinapanuod niya ang kanyang nagawa, naisipan niyang lumikha rin ng 2 nilalang na tulad niya, mas maliit nga lamang, upang tumao sa bagong likhang daigdig.

Kinuha niya ang natirang libag at hinugis ang 2 tao. Tapos na sana ang paglikha maliban sa mga

ilong nang biglang sumulpot si Tau Tana, ang nilalang mula sa ilalim ng lupa, at nagkusa na tutulong daw. Gustong sarilinin ni Melu ang paglikha ng tao kaya matagal silang nagtalo, subalit mapilit si Tau Tana. Pumayag na rin si Melu kaya si Tau Tana ang gumawa ng ilong ng tao na ikinabit niyang nakabukas sa itaas.

Magkatulong hinagupit nina Melu at Tau Tana ang mga bagong likhang tao hanggang gumalaw ang mga ito ang nagsimulang mabuhay. Umuwi na sa ulap si Melu, at si Tau Tana sa ilalim ng lupa.

Mahusay ang lagay ng lahat hanggang, isang araw, nang umulan nang malakas. Muntik nang malunod ang mga bagong likhang tao dahil tumagas ang ulan at pumasok sa kanilang mga ilong. But na lamang, nakita agad ni Melu ang nangyayari. Mabilis siyang lumapag mula sa ulap at inikot ang mga ilong para nasa ibaba ang butas.

[ Si Melu ang pinaka-haring espiritu, na tinatawagan ng mga tao sa panahon ng panganib... --M.C. Cole]

Laking pasalamant ng mga tao, at nangako silang susunod sa anumang iutos ni Melu. Sabi ni Melu, napansin niyang malungkot ang mga tao. Inutos niyang ipunin nila lahat ng buhok at libag nila.

“Sa susunod na balik ko,” pangako ni Melu, “gagamitin ko upang lumikha ng iba pang tao na makakasama ninyo!” Sa ganitong paraan dumami ang mga tao sa daigdig.

2. NUONG PASIMULA

APAT lamang ang mga nilalang nuong pasimula - sina Melu, Fiyuwey, Diwata at Sawey - at nakatira sila sa isang pulo na kasing liit lamang ng salakot. Walang anumang tumutubo duon, maging puno o damo, at ang tanging buhay na kasama nila ay isang ibon, si Buswit.

Isang araw, inutusan nila ang ibon na lumipad sa dagat at humanap ng anumang makikita niya. Pagbalik ni Buswit, may dala siyang lupa, isang piraso ng yantok (rattan), at ilang bungang kahoy (frutas). Si Melu ang pinaka-malakas sa kanila, at kinuha niya ang lupa at hinugis ng patpat, tulad ng paghugis sa palayok ng mga babae ngayon, hanggang itoy ay maging bilog na daigdig. Pagkatapos, itinanim niya duon ang yantok at ang mga buto (semillas, seeds) ng bungang kahoy. Tumubo ang mga ito at hindi nagtagal, natakpan ang daigdig ng mga yantok at mga puno ng sari-saring bungang kahoy.

Masayang pinanuod ng 4 nilalang ang pagtubo at pagbubunga ng mga tanim subalit pagtagal, sinabi ni Melu, “Ano ang katuturan nitong daigdig at lahat nitong yantok at bungang kahoy kung walang tao?”

“Gamitin natin ang pagkit” (cera, wax), sabi ng ibang nilalang, “at gumawa tayo ng mga tao!”

Matagal silang nagpagod sa paghugis ng mga tao mula sa pagkit, subalit nang ilapit nila sa apoy upang patigasin, natunaw sa halip ang kanilang mga likha. Nuon nila natuklas na hindi maaaring gumawa ng tao mula sa pagkit. Sunod nilang sinubok ang lumikha ng tao mula sa lupa. Isa sa mga kasama ni Melu ang gumawa ng mga ilong na idinikit niya sa mukha nang baligtad - nasa itaas ang butas.

“Malulunod ang mga tao kapag ganyan,” sabi ni Melu subalit ayaw ibahin ng kasama ang ginawa. Hinintay ni Melu na malingat ang kasama bago niya inikot isa-isa ang mga ilong hanggang natapos niya lahat. Subalit sa pagmamadali niya, napiyot ni Melu ang malambot na lupa, kaya makitid ang punong dulo ng bawat ilong ng tao hanggang ngayon.

ANG BILAAN ay nakabahag dati, tulad ng ibang Pilipino nuong una. Bandang 1913 nang kunin itong larawan, nagdamit na sila tulad ng mga kalapit sa Mindanao. Karaniwang damit na ang suot nila, tulad ng ibang Pilipino ngayon.




Reference: http://www.elaput.org/almat06.htm

Saan Nanggaling Ang Unang Matsing?




MARAMING taon na ang nakaraan, may isang munting baranggay sa paanan ng isang bundok. Isang maliit na kubo ang nakatayo sa itaas ng baranggay, sa tagiliran mismo ng bundok na balot ng makapal na gubat. Duon nakatira ang isang matandang babae at ang kanyang apo, isang binatilyo.

Masipag ang lola. Hanap-buhay niya ang himayin ang mga buto mula sa bulak at gawing sinulid ang bulak. Laging may buslo ng bulak sa tabi ang lola, at isang mahabang patpat na kidkiran (huso, spindle) ng sinulid. Samang-palad, tamad ang binatilyong apo, ayaw tumulong sa lola at, araw-araw, bumababa sa baranggay upang makipag-barkada at magsugal. Isang araw, umuwing mainit ang ulo ng binatilyong apo dahil natalo sa sugal. Nagsisigaw siya nang makitang wala pang hapunan.

“Maghintay ka nang kaunti,” sagot ng lola habang abalang nagta-trabajo, “at minamadali kong himayin itong bulak. Pagkatapos kong ipagbili ito, bibili ako ng pagkain natin.”

Lalong nagalit ang binatilyong apo. Pumulot siya ng mga bao ng niyog, gamit na panggatong sa apoy, at hinagis sa lola. Nasaktan, nagalit din ang lola at gumanti. Hinampas niya ng hinampas ng kidkiran ang binatilyong apo.

Kagila-gilalas! Biglang nagbago ang anyo ng apo - isang pangit na hayop na balot ng bulak na naging balahibo, at kumabit ang kidkiran sa kanyang tumbong at naging buntot. Nang matuklasan ng binatilyong apo na siya ay isang pangit na hayop na, kumarimot siya patakas sa baranggay.

Hinanap niya lahat ng kabarkada niya sa sugal at sinisi sa nangyari sa kanya. Pinaghahataw niya ng kanyang buntot at isa-isang nagbago rin ang mga ito at naging hayop tulad niya - ang tinatawag ngayong matsing o tsonggo (mono, monkey).

Nang makita ng mga taga-baranggay ang mga pangit, maingay at magulong mga hayop, itinaboy nila ang mga ito at hindi na pinayagang pumasok uli sa baranggay. Mula nuon, sa gubat namuhay ang mga matsing.




Reference: http://www.elaput.org/almat05.htm

Gintong Bata Sa Puting Calabaza




KAKATWA at kakaiba ang maliit na bahay, gawa sa kawayan, ng isang lalaki at isang babaing nabubuhay sa mga gulay na tanim nila sa malaking bakuran. Mabait ang mag-asawa at mabuti ang turing sa kanila ng lahat ng mga kapitbahay. Subalit hindi sila maligaya sapagkat wala pa silang anak, bagay na maraming taon na nilang hinangad. Ipinag-dadasal nila araw-araw na kahit babae o lalaki, magka-anak lamang sila, subalit walang sagot ang kanilang mga panalangin. At ngayong tumatanda na sila, nawawalan na sila ng pag-asa.

Isa sa mga tanim nila sa bakuran ay puting calabasa na mayabong na nagbubunga buong taon, kaya hindi sila nawawalan ng pagkain kahit kailan, hanggang isang araw nang napansin nilang walang umuusbong na calabasa. Inusisa nilang maigi at inalagaan ang halaman araw-araw subalit kahit panay ang sulpot ng malalaking dilaw na bulaklak na, pagkalanta at pagkatuyo ay dapat sanang mapalitan ng usbong na bunga. Subalit wala kahit isang calabasa na lumitaw at nagsimulang magutom ang mag-asawa.

Isang umaga, pagkaraan ng mahabang panahon, napasigaw sa galak ang asawang babae nang masipat niya ang isang maliit na usbong. Ipinasiya ng mag-asawa na huwag kainin agad ang calabasa, hintaying lumaki at mahinog ito upang magkaruon sila ng mga buto na maitatanim uli sa bakuran.

Lumaking napaka-gandang puting calabasa ang bunga subalit napakatagal nahinog kaya, sa gutom, nagbago ang isip ng mag-asawa at pinitas ang gulay upang kainin. Hihiwain na sana nila ang calabasa nang narinig nila mula sa luob ang isang tinig.

“Mag-ingat kayo at baka mahiwa ako!”

Natigilan ang mag-asawa, akala minumulto sila, subalit nagsalita uli mula sa luob ng calabasa.

“Buksan n’yo na, nang makalabas ako!”

Maingat nilang hiniwa at lumabas ang isang sanggol na lalaki. Nakakatayo at nakakapag-salita na ang bata. Tuwang-tuwa ang mag-asawa, may “anak” na sila! Agad umigib ng tubig ang asawang babae at naglatag ng banig upang paliguan ang bagong panganak na “anak.” Tuwing buhos ng tubig sa bata, bawat patak ay naging ginto kaya matapos ng ligo, natakpan ng ginto ang buong banig! Lalong nalugod ang mag-asawa, may “anak” na sila, yumaman pa sila sa ginto.

Sapat na dapat ang nakamit ng mag-asawa, subalit pagmasid nila sa ginto, hinangad nila ang mas marami pa. Kinabukasan, pinaliguan uli ng asawang babae ang “anak” at natakpan uli ng ginto ang banig. May sapat na silang yaman upang magpagawa ng isang malaking bahay, subalit gusto pa nila ng higit. Kaya sa ika-3 araw, umigib uli ng tubig na pampaligo ang asawang babae, subalit nalungkot ang “anak,” umalis at naglaho. Kasabay, naglaho rin ang lahat ng ginto. Naiwang nag-iisa ang mag-asawa na, tulad ng dati, ay mahirap at walang anak.





Reference: http://www.elaput.org/almat04.htm

Si Malakas, Si Maganda, At Ang Pagdami Ng Tao




NANGYARI naman na mag-asawa nuon ang hangin dagat at ang hangin lupa, at may anak sila, si kawayan. Isang araw, lumulutang si kawayan sa tabi ng dagat nang nabangga niya ang paa ng lawin. Nagulat, nasaktan at nagalit, pinagtutuka ng lawin ang kawayan hanggang nabiyak ito. Kaginsa-ginsa, lumitaw sa isang piraso ang isang lalaki, si Malakas. Sa kabilang bahagi, lumabas naman ang isang babae, si Maganda. Sila ang 2 Unang Tao sa daigdig.

IPINATAWAG naman ng lindol ang lahat ng ibon at isda upang pag-usapan kung ano ang dapat gawin sa 2 tao. Ipinasiya nila na dapat mag-asawa sina Malakas at Maganda. Nangyari nga ito at marami silang naging mga anak, na pinagmulan ng iba’t ibang tao sa daigdig ngayon.

Pagtagal, nayamot ang mag-asawang Malakas at Maganda sa dami ng kanilang mga tamad at walang-pakinabang na mga anak. Nais nilang palayasin lahat subalit hindi nila alam kung saan itatapon ang mga ito kaya nagtiyaga na lamang ang mag-asawa.

Dumami pa uli nang dumami ang mga anak sa paglipas ng panahon at nangyari na hindi na nakaranas ng tahimik sina Malakas at Maganda.

Isang araw, hindi na nakatiis si Malakas at, dampot ang isang bakawan, pinagha-hataw ang mga bata. Takbuhan sa takot ang mga anak at nagtago sa iba’t ibang lugar. Ang iba ang nagtago sa mga silid ng bahay, ang iba ay sumingit sa mga dingding. Ang iba ay nagkubli sa mga kalan sa cocina. Ang ibang anak ay tumakas sa labas, habang ilan ay tuluyang lumayas sa dagat.

Sa ganitong paraan, nagka-iba-iba ang mga tao na kumalat sa daigdig. Ang mga nagtago sa mga silid ang naging mga pinuno sa mga pulo. Ang mga sumingit sa dingding ang naging mga alipin. Ang mga nagkubli sa mga kalan ay naging mga negro. Ang mga tumakas sa labas ang naging mga malaya. Pagkaraan ng maraming taon, ang mga anak ng lumayas sa dagat ay bumalik, at sila ay mga maputing tao, ang mga dayuhan.



Reference: http://www.elaput.org/almat03.htm

Ang Lawin At Ang Paglikha Sa Daigdig




NUONG simula ng daigdig, wala pang lupa. Ang dagat lamang at ang langit ang naruruon, at sa pagitan nila ay isang lawin. Walang tigil ang lipad ng lawin at dumating ang isang araw nang napagod siya. Matagal siyang humanap ng malalapagan subalit walang nakita kaya naisip niyang galitin ang dagat.

Sa puot ng dagat, pinaghahagis niya ng tubig ang lawin hanggang umabot sa langit ang taas ng mga alon. Nagimbal naman ang langit at, upang mapahupa ang mga alon, binagsakan ng maraming bato ang dagat. Sa dami ng bato, nagtumpok-tumpok ito at nabuo ang iba’t ibang pulo sa ibabaw ng dagat. Sa wakas, tumigil ang talon ng mga alon.

Inutos ng langit sa lawin na lumapag sa isa sa mga pulo at duon mag-pugad. At huwag nang gambalain ang dagat at ang langit. Mula nuon, tahimik na namuhay ang lawin, at iba pang mga ibon, sa mga pulo sa pagitan ng dagat at langit.



Reference: http://www.elaput.org/almat03.htm