1. ANG KASAYSAYAN NG PAGLIKHA
NUONG kauna-unahang panahon, may isang nilalang na napaka-laki, hindi maaaring ihambing sa kahit anuman. Ang ngalan niya ay Melu. Ang mga ipin niya ay lantay na ginto, at ang bahay niya ay mga ulap. Kapag umupo siya, natatakpan ang buong langit. Ang linis-linis niya, lagi na lamang naghihilod sa katawan kaya naging lubusang puti ang kanyang balat. Ang libag - ang patay na balat na nahilod mula sa katawan - ay inipon niya sa isang tabi.
Pagtagal, sa laki ng katawan, napaka-laking tumpok ng libag ang naipon at medyo nainis si Melu. Pinag-isipan niya kung ano ang maiging gawin sa libag. Sa wakas, ipinasiya niyang gamitin ito sa paglikha ng daigdig. Maingat at matagal niyang hinugis ang libag at pagkatapos, natuwa siya sa kanyang nilikha. Habang pinapanuod niya ang kanyang nagawa, naisipan niyang lumikha rin ng 2 nilalang na tulad niya, mas maliit nga lamang, upang tumao sa bagong likhang daigdig.
Kinuha niya ang natirang libag at hinugis ang 2 tao. Tapos na sana ang paglikha maliban sa mga
ilong nang biglang sumulpot si Tau Tana, ang nilalang mula sa ilalim ng lupa, at nagkusa na tutulong daw. Gustong sarilinin ni Melu ang paglikha ng tao kaya matagal silang nagtalo, subalit mapilit si Tau Tana. Pumayag na rin si Melu kaya si Tau Tana ang gumawa ng ilong ng tao na ikinabit niyang nakabukas sa itaas.
Magkatulong hinagupit nina Melu at Tau Tana ang mga bagong likhang tao hanggang gumalaw ang mga ito ang nagsimulang mabuhay. Umuwi na sa ulap si Melu, at si Tau Tana sa ilalim ng lupa.
Mahusay ang lagay ng lahat hanggang, isang araw, nang umulan nang malakas. Muntik nang malunod ang mga bagong likhang tao dahil tumagas ang ulan at pumasok sa kanilang mga ilong. But na lamang, nakita agad ni Melu ang nangyayari. Mabilis siyang lumapag mula sa ulap at inikot ang mga ilong para nasa ibaba ang butas.
[ Si Melu ang pinaka-haring espiritu, na tinatawagan ng mga tao sa panahon ng panganib... --M.C. Cole]
Laking pasalamant ng mga tao, at nangako silang susunod sa anumang iutos ni Melu. Sabi ni Melu, napansin niyang malungkot ang mga tao. Inutos niyang ipunin nila lahat ng buhok at libag nila.
“Sa susunod na balik ko,” pangako ni Melu, “gagamitin ko upang lumikha ng iba pang tao na makakasama ninyo!” Sa ganitong paraan dumami ang mga tao sa daigdig.
2. NUONG PASIMULA
APAT lamang ang mga nilalang nuong pasimula - sina Melu, Fiyuwey, Diwata at Sawey - at nakatira sila sa isang pulo na kasing liit lamang ng salakot. Walang anumang tumutubo duon, maging puno o damo, at ang tanging buhay na kasama nila ay isang ibon, si Buswit.
Isang araw, inutusan nila ang ibon na lumipad sa dagat at humanap ng anumang makikita niya. Pagbalik ni Buswit, may dala siyang lupa, isang piraso ng yantok (rattan), at ilang bungang kahoy (frutas). Si Melu ang pinaka-malakas sa kanila, at kinuha niya ang lupa at hinugis ng patpat, tulad ng paghugis sa palayok ng mga babae ngayon, hanggang itoy ay maging bilog na daigdig. Pagkatapos, itinanim niya duon ang yantok at ang mga buto (semillas, seeds) ng bungang kahoy. Tumubo ang mga ito at hindi nagtagal, natakpan ang daigdig ng mga yantok at mga puno ng sari-saring bungang kahoy.
Masayang pinanuod ng 4 nilalang ang pagtubo at pagbubunga ng mga tanim subalit pagtagal, sinabi ni Melu, “Ano ang katuturan nitong daigdig at lahat nitong yantok at bungang kahoy kung walang tao?”
“Gamitin natin ang pagkit” (cera, wax), sabi ng ibang nilalang, “at gumawa tayo ng mga tao!”
Matagal silang nagpagod sa paghugis ng mga tao mula sa pagkit, subalit nang ilapit nila sa apoy upang patigasin, natunaw sa halip ang kanilang mga likha. Nuon nila natuklas na hindi maaaring gumawa ng tao mula sa pagkit. Sunod nilang sinubok ang lumikha ng tao mula sa lupa. Isa sa mga kasama ni Melu ang gumawa ng mga ilong na idinikit niya sa mukha nang baligtad - nasa itaas ang butas.
“Malulunod ang mga tao kapag ganyan,” sabi ni Melu subalit ayaw ibahin ng kasama ang ginawa. Hinintay ni Melu na malingat ang kasama bago niya inikot isa-isa ang mga ilong hanggang natapos niya lahat. Subalit sa pagmamadali niya, napiyot ni Melu ang malambot na lupa, kaya makitid ang punong dulo ng bawat ilong ng tao hanggang ngayon.
ANG BILAAN ay nakabahag dati, tulad ng ibang Pilipino nuong una. Bandang 1913 nang kunin itong larawan, nagdamit na sila tulad ng mga kalapit sa Mindanao. Karaniwang damit na ang suot nila, tulad ng ibang Pilipino ngayon.
Reference: http://www.elaput.org/almat06.htm
0 comments:
Post a Comment