http://www.skulko.blogspot.com

Pages

Si Lalak, At Si Babaye




Nuong unang panahon, may 2 bathala na namamahay sa langit, si Kaptan at si Maguayan. Napa-ibig si Kaptan kay Maguayan at sila ay nag-asawa.

Isang araw, tulad sa nangyayari sa mga mag-asawa pagkatapos ng unang pagsasama, nag-away si Kaptan at si Maguayan. Sa bugso ng galit ni Kaptan, pinalayas niya ang kanyang asawa. Malaki ang paghihinagpis na umalis si Maguayan.

Nang wala na ang diyosa, ang diyos na Kaptan ay inabot ng lumbay. Nabagabag siya ng kamaliang ipinataw niya sa kanyang asawa. Subalit huli na upang humingi siya ng patawad. Hinalughog niya ang buong kalangitan, subalit hindi niya natagpuan si Maguayan. Tulad sa usok naglaho ang diyosa.

Upang mahupa ang kanyang lumbay, ang namimighating diyos ay lumikha ng daigdig at nagtanim ng kawayan sa halaman na pinangalanang Kahilwayan. Nagtanim din siya ng palay, mais at tubo. Sa lahat ng mga tanim, ang kawayan ang unang umusbong. Tumubo itong maganda puno na malambot ang mga sanga at mga dahon na parang balahibong kumakaway sa daloy ng hangin.

Nang makita ang ganda ng kanyang nilikha, napuno ng ligaya ang kaluoban ni Kaptan. “Ah,” buntong hininga niya, “kung narito lamang si Maguayan, malulugod siyang masdan itong magandang tanawin sa gitna ng simoy ng hangin at kiskisan ng mga dahon!”

Patuloy ang pagtubo ng kawayan. Ang halamanan ay lalong gumaganda araw-araw. Isang dapit-hapon, habang si Kaptan ay nanunuod ng kaway-kaway ng mga dahon sa simoy ng hangin, isang sapantaha ang nabuo sa kanyang isip at, bago pa niya namalayan kung ano ang nangyayari, binulong na niya sa kanyang sarili, “Lilikha ako ng mga mag-aalaga nitong mga halaman.”

Agad-agad, ang kawayan ay nahati sa 2 kabiyak. Mula sa isang bahagi, lumitaw ang unang tao. Pinangalan ni Kaptan ang tao ng Sikalak, pangalang nangangahulugan “ang matipunong nilikha.” At mula nga nuon, ang mga katulad ni Sikalak ay tinawag na lalak, o sa palayaw na lalaki.”

Pagkatapos, mula sa kabilang bahagi ng biyak na kawayan lumitaw ang pangalawang nilikha. Bininyagan siya ng diyos ng Sikabay, pangalang ibig sabihin ay “katulong ng nilalang na malakas.” Mula nuon, ang kanyang mga katulad ay tinawag na sibabaye o babaye, sa palayaw.

Magkasama, ang dalawang nilikha ay nagtanim sa halamanan at inalagaan ang mga pananim. Sa kabilang dako, si Kaptan ay nagpunta sa malayo upang hanapin si Maguayan.

Isang araw, pagka-alis ng diyos, niyaya ni Sikalak si Sikabay na magpakasal sa kanya. Subalit ang babae ay tumanggi. “Hindi ba magkapatid tayo?” pinagalitan niya ang lalaki.

“Tutuo ang sinabi mo. Subalit walang ibang tao dito sa halamanan,” nangatwiran si Sikalak. “At kailangan natin ang mga anak na tutulong mag-alaga dito sa napaka-laking lupa para sa ating panginoon.”

Hindi natinag ang babae. “Alam ko,” sagot niya, “subalit ikay ay aking kapatid. Kapwa tayo isinilang sa iisang puno ng kawayan, at kaisa-isang biyas ang nagkabit sa ating dalawa.”

Pagtagal-tagal, matapos ng mahabang pagtatalo, humingi sila ng payo sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid. Ipinayo ng mga isda at ng mga ibon na magpakasal sila. Hindi pa rin nahimok, sumangguni si Sikabay sa lindol, na sang-ayon din sa kanilang pag-aasawa.

“Kailangang mag-asawa kayo,” sabi ng lindol, “upang magka-tao sa daigdig.”

Kaya nag-asawa sina Sikalak at Sikabay. Ang una nilang anak ay isang lalaki, na pinangalanan nilang Sibu. Pagkatapos, nagka-anak sila ng isang babae, na tinawag nilang Samar.





Reference: http://www.elaput.org/almat07.htm

0 comments:

Post a Comment