http://www.skulko.blogspot.com

Pages

Gintong Bata Sa Puting Calabaza




KAKATWA at kakaiba ang maliit na bahay, gawa sa kawayan, ng isang lalaki at isang babaing nabubuhay sa mga gulay na tanim nila sa malaking bakuran. Mabait ang mag-asawa at mabuti ang turing sa kanila ng lahat ng mga kapitbahay. Subalit hindi sila maligaya sapagkat wala pa silang anak, bagay na maraming taon na nilang hinangad. Ipinag-dadasal nila araw-araw na kahit babae o lalaki, magka-anak lamang sila, subalit walang sagot ang kanilang mga panalangin. At ngayong tumatanda na sila, nawawalan na sila ng pag-asa.

Isa sa mga tanim nila sa bakuran ay puting calabasa na mayabong na nagbubunga buong taon, kaya hindi sila nawawalan ng pagkain kahit kailan, hanggang isang araw nang napansin nilang walang umuusbong na calabasa. Inusisa nilang maigi at inalagaan ang halaman araw-araw subalit kahit panay ang sulpot ng malalaking dilaw na bulaklak na, pagkalanta at pagkatuyo ay dapat sanang mapalitan ng usbong na bunga. Subalit wala kahit isang calabasa na lumitaw at nagsimulang magutom ang mag-asawa.

Isang umaga, pagkaraan ng mahabang panahon, napasigaw sa galak ang asawang babae nang masipat niya ang isang maliit na usbong. Ipinasiya ng mag-asawa na huwag kainin agad ang calabasa, hintaying lumaki at mahinog ito upang magkaruon sila ng mga buto na maitatanim uli sa bakuran.

Lumaking napaka-gandang puting calabasa ang bunga subalit napakatagal nahinog kaya, sa gutom, nagbago ang isip ng mag-asawa at pinitas ang gulay upang kainin. Hihiwain na sana nila ang calabasa nang narinig nila mula sa luob ang isang tinig.

“Mag-ingat kayo at baka mahiwa ako!”

Natigilan ang mag-asawa, akala minumulto sila, subalit nagsalita uli mula sa luob ng calabasa.

“Buksan n’yo na, nang makalabas ako!”

Maingat nilang hiniwa at lumabas ang isang sanggol na lalaki. Nakakatayo at nakakapag-salita na ang bata. Tuwang-tuwa ang mag-asawa, may “anak” na sila! Agad umigib ng tubig ang asawang babae at naglatag ng banig upang paliguan ang bagong panganak na “anak.” Tuwing buhos ng tubig sa bata, bawat patak ay naging ginto kaya matapos ng ligo, natakpan ng ginto ang buong banig! Lalong nalugod ang mag-asawa, may “anak” na sila, yumaman pa sila sa ginto.

Sapat na dapat ang nakamit ng mag-asawa, subalit pagmasid nila sa ginto, hinangad nila ang mas marami pa. Kinabukasan, pinaliguan uli ng asawang babae ang “anak” at natakpan uli ng ginto ang banig. May sapat na silang yaman upang magpagawa ng isang malaking bahay, subalit gusto pa nila ng higit. Kaya sa ika-3 araw, umigib uli ng tubig na pampaligo ang asawang babae, subalit nalungkot ang “anak,” umalis at naglaho. Kasabay, naglaho rin ang lahat ng ginto. Naiwang nag-iisa ang mag-asawa na, tulad ng dati, ay mahirap at walang anak.





Reference: http://www.elaput.org/almat04.htm

0 comments:

Post a Comment