http://www.skulko.blogspot.com

Pages

Apolinario Mabini


Si Apolinario Mabini (1864-1903), kilala bilang Dakilang Paralitiko at Utak ng Rebolusyon, ay pangalawa sa walong anak nina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan, sa baryo Talaga, Tanauan, Batangas.

Edukasyon

Noong siya ay bata pa, nagpakita na siya ng hindi pangkaraniwang talino at pagkahilig sa pag-aaral. Sa Maynila noong 1881, nakamit niya ang isang partial scholarship na nagbigay-daan upang makapag-aral siya sa Kolehiyo ng San Juan de Letran. Natapos niya ang kanyang Batsilyer sa Sining noong 1887. Nag-aral din siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas mula 1888 hanggang 1894.

Buhay

Noong 1893, isa siya sa mga bumuhay ng La Liga Filipina na siyang nagbibigay-suporta sa Kilusang Pang-reporma.

Noong taong 1896 naman, nagkaroon siya ng matinding sakit na nagdulot sa kanya na maging paralitiko habambuhay. Hinuli siya ng mga gwardiya sibil noong 10 Oktubre 1896, dahil sa pagkakaroon niya ng koneksyon sa mga repormista. Sumailalim siya sa house arrest sa ospital ng San Juan de Dios at nang kinalaunan ay pinalaya na rin dahil sa kanyang kondisyon.

Nang bumalik sa Pilipinas si Emilio Aguinaldo noong 19 Mayo 1898, pinasundo niya si Mabini sa Laguna at matapos ang kanilang pagpupulong noong 12 Hunyo 1898, si Mabini ay naging punong tagapayo ni Aguinaldo.

Isa sa mga pinakamahalagang rekomendasyon ni Mabini ay ang pag-aalis ng Diktadurya ng pamahalaan ni Aguinaldo at ang pagpapalit nito sa isang rebolusyonaryong pamahalaan. Nagsilbi rin siya sa kabinete ni Aguinaldo bilang Pangulo ng Konseho ng nga Kalihim at bilang Kalihim ng Ugnayang Panlabas. Isa pa sa mga importanteng dokumento na kanyang nagawa ay ang Programa Constitucional de la Republica Filipina, isang konstitusyon na kanyang iminungkahi para sa Republika ng Pilipinas. Ang introduksyon sa balangkas ng konstitusyong ito ay ang El Verdadero Decalogo, na isinulat upang gisingin ang makabayang diwa ng mga Pilipino.

Nang sumiklab ang gyera sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano, tumakas si Mabini papuntang Nueva Ecija at nadakip ng mga Amerikano sa Cuyapo noong 10 Disyembre 1898. Nanatiling bilanggo si Mabini hanggang 23 Setyembre 1900. Nanirahan siya sa isang maliit na dampa sa Nagtahan, Maynila, at kumikita sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga lokal na pahayagan. Ang artikulo niyang El Simil de Alejandro ay nagdulot sa kanyang muling pagkadakip at pagkatapon sa Guam kasama ang iba pang mga Pilipino. Habang nasa Guam, naisulat niya ang La Revolucion Filipina.

Namatay si Mabini noong 13 Mayo 1903, sa gulang na 39 dahil sa kolera.



Reference: http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Apolinario_Mabini

Marcelo H. del Pilar


Si Marcelo Hilario del Pilar y Gatmaitan (Agosto 30, 1850 - Hulyo 4, 1896), kilala rin bilang ang "Dakilang Propagandista", ay isang ilustrado noong panahon ng Espanyol. Ang kaniang pangngalan sa dyaryo ay Plaridel. Binili niya kay Graciano Lopez Jaena ang La Solidaridad at naging patnugot nito mula noong 1889 hanggang 1895. Dito niya isinulat ang kanyang pinakadakilang likha ang La Soberania Monacal at La Frailocracia Filipina. Isinulat rin niya ang “Dasalan at Tuksuhan” na tumitira sa mga mapangabusong prayle.

Talambuhay

Isinilang si del Pilar sa isang nayon sa Kupang, Bulacan, Bulacan noong Agosto 30, 1850. Siya ang bunso ng mayamang pamilya nina Don Julian del Pilar, isang gobernadorcillo at Doña Blasa Gatmaitan. Ang kanyang kapatid na si Padre Toribio H. del Pilar ay isang pari na ipinatapon ng mga Kastila sa Marianas noong 1872.

Si del Pilar ay nagsimulang mag-aral sa kolehiyong paaralan ni Ginoong Jose A. Flores at lumipat sa Colegio de San Jose at muling lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan huminto siya ng walong taon sa pag-aaral pero natapos din sa kursong abogasya noong 1880.

Naging isang mabuting manananggol si del Pilar. Ar naging dalubhasa sa paghawak ng arnis at pagtugtog ng biyulin, piyano at plawta. Nakilala rin siya sa sagisag na Plaridel, na dinakila at kinilala bilang isang mahusay na dakilang propagandista. Noong 1882, itinatag niya ang Diariong Tagalog kung saan binatikos niya ang pang-aabuso ng mga pari at kalupitan ng pamahalaan. Humingi siya ng mga kaukulang pagbabago. Nang pinag-uusig siya ng mga Kastila at noong 1888, tumakas siya patungo ng Espanya. Pagdating sa Espanya ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsusulat.

Namatay siya sa sakit na tuberculosis sa isang maliit na ospital sa Barcelona sa gulang na 46.



Reference: http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Marcelo_H._del_Pilar

Diego Silang


Si Diego Silang (1730-1763), bayani ng Ilokos, ay ang pinuno ng isang matagumpay na pag-aalsa laban sa mga Espanyol bago naganap ang Himagsikang Pilipino. Siya, at ang kanyang asawa na si Gabriela Silang ang nanguna sa landas tungo sa paglaya ng mga Pilipino.

Buhay

Ipinanganak siya noong 16 Disyembre 1730 sa Aringay, La Union at supling nina Miguel Silang at Nicolasa Delos Santos. Maaga siyang naulila sa mga magulang kaya naman siya ay lumaki sa isang kumbento, at ang mga pari ang nagsilbi niyang mga magulang.

Dahil sa isa siyang mabuting tao at mapagkakatiwalaan, naging tagapagbalita siya o mensahero ng mga pari, at nagdadala siya ng mga mensahe mula Vigan patungong Maynila. Dahil sa kanyang mga gawain, naging malimit ang pagpunta ni Diego Silang sa Maynila at dito, nakita niya ang tunay na kaganapan sa Pilipinas. Dito niya nakita ang masama at mapagsamantalang mga Kastila.

Pag-aalsa

Kaya naman sa pagbabalik ni Silang sa Pangasinan, siya at ang kanyang mga kaanak ay nag-isip ng planong paghihimagsik laban sa mga Kastila. Sumama siya sa isang kaanak at nagpunta sa Vigan upang simulan ang pag-aalsa. Nagtatag siya ng isang samahan upang tuluyang mapabagsak ang Pamahalaang Kastila.

Hindi naglaon, nagkaroon ng sunod-sunod na pag-aalsa sa Pangasinan, Cagayan, Laguna, at Batangas. Dahil sa nalaman ng mga maykapangyarihan ang nangyayaring pag-aalsa, hinuli si Diego at ipiniit. Sa kanyang muling paglaya, nagsagawa siyang muli ng mga rebelyon at dumami ang kanyang mga kapanalig. Noong 14 Disyembre 1762, matagumpay nilang sinakay ang Vigan at ipinahayag na malaya ang Ilokos.

Samantala, nagplano si Simon de Anda, mahistrado ng audiencia, ng gagawing pagpatay kay Diego. Nag-alok siya ng pabuya sa kung sinuman na makakapatay kay Diego. Sa kasamaang palad, noong 28 Mayo 1763, si Miguel Vicos, isang mestizo at si Pedro Becbec, isang taksil na tauhan ni Diego, ang nakapasok sa tirahan ni Silang at siya ay binaril. Agad naman siyang binawian ng buhay at nagbunyi ang mga Espanyol.

Ngunit bagama't si Diego ay patay na, ipinagpatuloy pa rin ng kanyang asawa ang pamumuno sa mga pag-aalsa.



Reference: http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Diego_Silang

Lapu-Lapu


Si Lapu-lapu ay isang datu sa isla ng Maktan. Nang dumating si Fernando de Magallanes para basbasan ang mga tribu ng Kristiyanismo, tumutol si Lapu- lapu at nakipaglaban sa kanila.

Walang naitala tugkol sa kapanganakan ni Lapu-lapu maliban sa kanyang mga magulang na sina Kusgano at Inday Puti. Siya ay nagpakasal kay Prinsesa Bulakna, ang magandang anak ni Datu Sabtano. Sila ay biniyayaan ng isang anak na lalaki, si Sawili.

Bilang isang pinuno ng Maktan, si Lapu-lapu ay sadyang may matigas na puso at matibay na paninindigan. Biglang patunay dito, ay mariin niyang pagtanggi sa mga magagandang alok ni Magellan. Ayon kay Magellan, bibigyan niya ng magandang posisyon at natatanging pagkilala si Lapu-lapu, subalit kapalit nito ang pagkilala at pagtatag ng pamahalaang Kastila sa kanyang nasasakupan. Labis na ikinagalit ni Magellan ang pagtanggi ni Lapu-lapu sa kanyang alok.

Samantala, isang anak na lalaki ni Datu Zulu, kaaway ni Lapu-lapu, ang pumanig kay Magellan at kanilang binuo ang paglusog sa lokal ng Maktan. Hatinggabi ng Abril 26, 1521 nang si Magellan, kasama ng kanyang mga kapanalig na mahigit na isang libo ay naglayag upang sakupin ang lokal ng maktan. Sa kabilang dako ay handa namang salubungin ito ng may 1,500 mandirigma ni Lapu-lapu. Sila ay nakapuwesto sa may baybaying-dagat. Nang magsalubong ang dalawang puwersa ay nagsimula ang isang umaatikabong labanan sa Maktan. Sa bandang huli ay nagapi ni Lapu-lapu si Magellan nang tamaan niya ito sa kaliwang binti. Si Magellan ay bumagsak sa lupa at dito siya pinatay ni Lapu-lapu.

Walang nakatiyak ng kamatayan ni Lapu-lapu subalit ang kanyang tagumpay sa paglaban sa dayuhan ay isang kabayanihang naitala sa kasaysayan ng Pilipinas at sirkunabigayson ng daigdig.



Reference: http://tl.wikipedia.org/wiki/Lapu-Lapu